Rhian Ramos on what is special about 'Royal Blood': 'It's a very layered show'
Isang napakasayang set para kay Rhian Ramos ang hit murder mystery series na Royal Blood.
Para kay Rhian, hindi lang ang paggawa ng mga eksena ang nae-enjoy niya sa set, kung hindi maging ang bonding kasama ang cast at teamwork ng lahat.
"We're a super happy set. Behind the scenes nagkukulitan kami, nag-aasaran. We eat together, we watch things together, we're always together," sabi ni Rhian sa GMANetwork.com.
Dagdag niya, "And then within the scenes naman ang sarap din namin mag-teamwork kasi nandoon na 'yung trust, nagkakaintindihan na kami sa mga tingin kahit hindi mo na iexplain kung ano 'yung gusto mong mangyari."
Nang tanungin kung ano para sa kanya ang espesyal sa Royal Blood, sagot ni Rhian, "It's a very layered show."
"Layered 'yung mga characters dito, hindi siya parang, 'Okay, ikaw, mataray ka lang.' Lahat binibigyan ng layers, nang dahilan. And everything na nangyayari rin sa loob ng bawat eksena may mga layers din siya. So bawat hinga, bawat lingon, tingin, galaw, may dahilan."
Sa naturang GMA Telebabad series, napapanood si Rhian bilang Margaret, ang religious at conservative na anak ng business tycoon na si Gustavo Royales (Tirso Cruz III).
Ayon sa aktres, marami pang aabangan ang manonood sa karakter niya sa serye.
"Kahit ako nagugulat, e, every time nakakakuha ako ng script and I see na napakarami pa palang ire-reveal. Marami pa palang hindi pa nare-reveal. Makikita n'yo 'yung anger, pain, and sadness, and breaking down and building up again."
Tatlo naman ang pinaghihinalaan ng aktres na pumatay kay Gustavo Royales, na para sa kanya ito ay ang mga karakter na hindi mo "aakalain."
"So, I would either bet on Cleofe (Ces Quesada) or Emil (Arthur Solinap), or pwede rin si Andrew (Dion Ignacio), 'yung tatlong iyon ang top three ko."
Samantala, masaya si Rhian sa lahat ng magagandang komentong natatanggap ngayon sa Royal Blood. Ayon sa manonood, "deserve" niyang magkaroon ng best actress award para sa performance sa serye.
Nagpapasalamat din ang aktres sa gabi-gabing mainit na suportang natatanggap ng Royal Blood.
"Salamat sa lahat ng support. We're very flattered sa matataas na ratings na ibinibigay niyo sa amin and also sa napakagandang online reactions. We're so touched and we feel fulfilled dahil sa inyo. Sana po ay patuloy niyo pong panoorin at abangan ang Royal Blood kasi napakarami pa pong mangyayari."
Patuloy na subaybayan si Rhian bilang Margaret sa Royal Blood, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.
Mapapanood din ang Royal Blood sa Pinoy Hits, I Heart Movies, GTV (10:50 p.m.), at naka-livestream din sa Kapuso Stream.