Royal Blood
TV

Royal Blood records highest rating to date as Napoy discovers Gustavo is alive

By Aimee Anoc
Pumalo sa 10.5 percent ang ratings ng 'Royal Blood' nitong Huwebes (July 6), ang pinakamataas nitong ratings to date.

Sunod-sunod ang matataas na ratings na nakukuha ng pinakamalaking suspenserye ngayon sa primetime, ang Royal Blood.

Nitong Huwebes (July 6), naitala ng Royal Blood ang pinakamataas nitong ratings to date na umabot sa 10.5 percent base sa Nutam People Ratings ng pinagkakatiwalaang market research firm na Nielsen Philippines.

Sa episode 14 ng Royal Blood, matapos na kuwestiyunin kung paano napunta sa kanya ang cufflink ni Gustavo (Tirso Cruz III), kinumpronta ni Kristoff (Mikael Daez) si Beatrice (Lianne Valentin) dahil paniniwala ng una na ang kapatid ang nag-set up sa kanya. Itinanggi naman ni Beatrice ang paratang na ito ni Kristoff sa kanya.

Dahil sa alibi na ito nina Kristoff at Beatrice, si Margaret (Rhian Ramos) na lamang ang natitira sa kanilang magkakapatid na maaaring nagpapatay sa kanilang ama. Tumanggi naman si Margaret na sumalang sa imbestigasyon dahil sa pag-aayos ng libing ng kanyang ama.

Itinanggi rin ni Margaret kina Kristoff at Beatrice na siya ang nag-set up sa dalawa para mag-away ang mga ito. Dahil sa nangyayari sa kanilang magkakapatid, nauwi si Margaret sa konklusyon na maaaring may taong naglalaro sa kanila at posibleng ibang tao ang pumatay sa kanilang ama, na siya ring naisip ni Napoy (Dingdong Dantes) matapos na kausapin ni Emil (Arthur Solinap) tungkol sa paghahanap ni Gustavo kung sino sa mga anak nito ang gustong magpapatay sa kanya.

Napansin naman ni Napoy ang kahina-hinalang ikinikilos ni Emil kaya sinundan niya ito hanggang sa makarating sa ospital. Dito na tumambad kay Napoy ang katotohanan na buhay at hindi pa patay ang kanyang amang si Gustavo.

Patuloy namang pinag-uusapan online ang nangyaring pagsaksak kay Gustavo, na nagdala rito para pekein ang pagkamatay nang malaman kung sino sa mga anak ang sumaksak sa kanya.

Patuloy na subaybayan ang maiinit na mga tagpo sa Royal Blood, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.

Mapapanood din ang Royal Blood sa Pinoy Hits, I Heart Movies, GTV (10:50 p.m.), at naka-livestream din sa GMANetwork.com.

Panoorin ang full episode 14 ng Royal Blood sa video na ito:

KILALANIN ANG CAST NG ROYAL BLOOD SA GALLERY NA ITO:

NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.