
Patindi nang patindi ang mga eksena sa Kapuso teleseryeng Prima Donnas, lalo na dahil nagkaroon ng panibagong tagpo at twist sa istorya.
Ang pamanang kuwintas na hawak ng tatlong Donnas ang katibayan sana na magpapatunay na sila ang tunay na mga Claveria. Pero sa hindi inaasahang pangyayari, napunta ang kuwintas kay Brianna, bagay na ikinalungkot nina Donna Marie, Donna Belle, at Donna Lyn.
Dahil sa bigat ng kanilang mga eksena, ibinahagi nina Kapuso young stars Jillian Ward, Althea Ablan, at Sofia Pablo, mga bida sa serye, ang pinaghuhugutan nila ng emosyon.
Anila, sa kanilang mga karanasan sa buhay sila humuhugot ng lalim sa pag-acting.
“Isip po nila, 'yung pag-iyak has something to do with age, pero hindi po,” pahayag ni Jillian. “Personally, tingin ko po lahat tayo may problems din kahit anong edad.”
Ibinahagi naman ni Althea na ang pag-alis ng kanyang ina patungong Hong Kong noon ang alaalang nagpapalungkot sa kanya.
“Si mommy pupunta siyang Hong Kong for work. So ako bata pa ako. Nasa airport na ako nu'n, gusto ko siyang habulin, gusto ko siyang yakapin pero hindi ko nagawa,” sabi ni Althea.
Sinabi naman ni Sofia na ang personal problem niya noon ang isa sa mga pinaghuhugutan niya ng malalim na emosyon.
Samantala, kahit abala sa showbiz, hindi napababayaan nina Jillian, Althea, at Sofia ang kanilang pag-aaral.
Panoorin ang buong ulat ng 24 Oras:
'Prima Donnas,' panalo sa TV ratings!