
Tinutukan ng Mga Batang Riles stars na sina Miguel Tanfelix at Kokoy de Santos ang pilot episode ng kanilang serye at ang unang reaksyon nila -- pride sa kanilang proyekto.
“Muntikan na akong maiyak pagkatapos kasi sobrang kinakabahan ako na na-e-excite kung ano ang magiging hitsura ng pinaghirapan namin nang siguro kalahati ng taon last year,” sabi ni Miguel sa panayam sa kanila ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras nitong Martes, January 7.
Pagpapatuloy pa ng aktor, “Nu'ng nakita ko na sobrang ganda, [ang] sarap sa pakiramdam na alam mong may puso 'yung ginagawa n'yo.”
Samantala, halos makalimutan naman ni Kokoy na parte nga pala siya ng serye nang sobrang nadala siya sa panonood. Pagbabahagi ng aktor ay nag-engage siya nang husto sa panonood kaya't nakalimutan niya na kasama nga pala siya rito.
“Kasi nag-engage ako, usually ganu'n ako, e. 'Ay oo nga pala, nandito nga rin pala ako.' Minsan ganu'n e, kasi ang-engage ako ng matindi kasi nga, ang bigat e. May ganu'n kaagad,” sabi ni Kokoy.
Pagpapatuloy ng aktor ay masaya rin siya na first episode pa lang ay na-estabish na ang mga karakter nila at ang mga kwento sa likod ng mga ito.
Naging trending topic naman ang #MgaBatangRilesWorldPremiere sa X (dating Twitter), at maging ang mga pangalan ng karakter nina Miguel at Kokoy na sina Kidlat at Kulot.
Maraming netizens din ang nagpaabot ng kanilang paghanga sa iba't ibang social media platforms kaya naman overwhelmed ang cast sa natanggap na papuri at positibong komento.
“'Yung mga papuri, 'yung mga sinasabi nilang 'Ang ganda, nakaka-relate ako dito, wow, parang ako 'to,' 'yung mga ganu'n, gusto ko 'yung ganu'n na parang 'pag pinanood nila 'yung Mga Batang Riles, nakaka-relate talaga sila, sumasalamin 'to sa kanila,” sabi ng aktor.
Pinasalamatan din nina Miguel at Kokoy ang lahat ng mga nakasama nila sa panonood ng world premiere ng kanilang pinakabagong serye, at sinabing sobrang na-appreciate nila ang mga ito.
Sa pagpapatuloy ng serye ay mas makikilala pa ng mga manonood ang iba't ibang karakter at mapapanood ang mga kaabang-abang na action scenes at nakakaantig na mga eksena.
“Sumama na kayo sa riles ng buhay. Marami tayong pupuntahan, marami tayong istasyon na madadaanan kaya kung ako sa inyo, barkadagulan na,” sabi ni Miguel.
Subaybayan ang kwento ng Mga Batang Riles, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
Panoorin ang buong panayam nina Miguel at Kokoy dito: