Aicelle Santos at Maricar de Mesa, may hugot tungkol sa pagiging nanay?
Naglabas ng kani-kanilang hugot ang celebrity moms na sina Aicelle Santos at Maricar de Mesa sa Truth Cam segment ng Mars Pa More kamakailan.
Ito ang segment kung saan may skit na gagawin ang celebrity guests at pag-uusapan nila ito ng Mars Pa More hosts pagkatapos.
Sa funny skits nina Aicelle at Maricar, inilabas nila ang kanilang saloobin tungkol sa mga pinagdadaanan nila bilang nanay at asawa.
Ang Kapuso singer-actress na si Aicelle humugot tungkol sa pagrereklamo ng mga mister kapag hindi na nakakapag-ayos ang kanilang mga misis.
“Hindi ko ma-gets ang mga lalaking kinikuwestiyon ang asawa nila at sinasabing, 'Bakit hindi na kita nakikitang nag-aayos? Bakit hindi ka na nag-aayos para sa'kin?'
“Ah, sige. Mag-aayos kami. Eh 'di magli-lipstick kami. Lipstick habang nagtitiklop ng damit ng bata. Okey na po? Puwede na?”
Sa isa pang eksena, nagsuot naman ng magandang dilaw na bistida si Aicelle at nagpunta sa kusina.
“Eh 'di magde-dress kami while preparing your food. Happy? Happy?!
Sina Aicelle Santos at Maricar de Mesa sa 'Mars Pa More' / Source: @marspamore (IG)
Ayon kay Aicelle, kahit minsan na hindi siya nakakapag-ayos ay kino-compliment pa rin siya ng kanyang asawa na si Mark Zambrano.
“To be fair naman kay Mark, ano naman siya eh--minsan parang ang baho ko na ganyan-- 'You're beautiful.'
“Sabi ko, 'Huwag mo nga kong niloloko.' Oo, ganyan.”
Lubos daw naiintindihan ni Aicelle ang pinagdadaanan ng busy mommies tulad niya.
“Pero nage-gets ko 'yung sentimiyento ng mga mommies, na lalo na 'pag lagi kang pala-ayos, lalo na 'yung trabaho mo lagi kang naka-makeup, tapos biglang nasa house ka 24/7 wala, walang ayos. Ni pagsuklay hindi mo na magawa, 'di ba?”
Dagdag pa ni Aicelle, “Sa mga daddies, 'wag naman ganun kasi ang hirap ng pinagdadaanan ng mga mommies, sa totoo lang."
At simula rin daw nang maging nanay siya ay mas minahal at nirespeto niya ang kanyang sariling nanay.
“Alam mo, sabi ko nga [nung] naging mommy ako, 'Oh my gosh. 'Yung pinagdaanan ng mommy ko…' Apat pa kami ah.
“Lalo talagang minahal ko siya. Tumaas 'yung respect ko sa mommies kasi they're doing everything for us. As in, almost forgetting themselves”
Samantala, sa skit naman ni Maricar, humugot siya tungkol sa pagiging “busy” ng mga bata ngayon.
“Alam niyo kung minsan napapaisip ako. Bakit ba itong mga bata ngayon parang ang acting nila ay busy-busyhan sila palagi?
“'Yung bang kapagka tinawag mo sila kapag kakainan na, ang sagot nila, 'Wait lang, Mom.'
“O kaya naman 'pag uutusan mo na sila, may papagawa ka sa kanila, para silang biglang nagiging paniki. Ang sagot lang nila, 'Ba't ako? Ba't ako?'
“Ay naku naman. Sorry naman, anak. Naistorbo ba kita? Masyado ka bang busy?
“O, sige ha…sabihan mo na lang ako 'pag ready ka nang kumain at hindi ka na busy diyan sa pag-iPad mo. Babalikan na lang kita ulit, ha?
“O, sige. Ako na. Ako na lang ang mag-aadjust.”
Panoorin nang buo ang nakakatawang usapan ng mga celebrity moms sa 'Mars Pa More' video sa itaas.
Kapag 'di naglo-load nang maayos ang video sa itaas, maaari itong mapanood DITO.
Para sa mas marami pang celebrity features tulad nito, panoorin sina mars Iya at Camille sa Mars Pa More mula Lunes hanggang Biyernes, 8:50 a.m. sa GMA-7.
Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang Mars Pa More sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, visit www.gmapinoytv.com.
Tingnan ang cute photos ng anak nina Aicelle Santos at Mark Zambrano na si Baby Zandrine sa gallery na ito.