Maria Clara at Ibarra: Fidel, nag-apply bilang bagong sakristan ni Padre Salvi?
Sa pagkawala ng mga sakristan ni Padre Salvi sa hit na fantasy series na Maria Clara at Ibarra, kinailangan niyang maghanap ng mga bagong sakristan na tutulong sa kaniya sa simbahan at isang hindi inaasahang aplikante ang lumapit, si Fidel.
Nag-post si Juancho Trivino, ang gumaganap bilang Padre Salvi, ng isang video sa Instagram kamakailan na dahil nawalan sila ng sakristan, kinailangan nilang maghanap ng bagong sakristan at isang aplikante ang lumapit sa katauhan ni Fidel, na ginagampanan naman ni David Licauco.
“Kami ay nakahanap ng possibleng kapalit sa aming nawawalang Sacristan. Siya ay ating kausapin ngayon,” caption ni Juancho sa post.
Sa video, tinanong ng kura si Fidel kung marunong ba itong magwalis at pabirong sinabi nito na may walis na siya, habang tinuturo ang buhok ni Padre Salvi.
Dahil dito, tinanong ng kura kung dapat ba parusahan si Fidel, bago ipakita ang iba't-ibang paraan ng pamamalo at pagpaparusa niya sa mga sakristan.
“May iba't-ibang paraan na ako para maparusahan ang mga bata. Nandito ang badminton style, ang golf, ang backhand, meron din 'yung patusok,” sabi nito.
Sa naunang post ng aktor ay naghanap na sila ni Renato (Kiel Rodriguez) ng papalit na sakristan dahil nawawala nga si Crispin galing sa mga batang nanonood ng shooting ng serye.
Caption ni Juancho, “LF (Looking for): Replacement Sacristan; Cannot find the last 2. For reference please call: Sisa 0917-SISA.”
“Renato, tayo ay nagkukulang ng isang sakristan. 'Di natin matiyak kung nasaan si Crispin. Maghanap pa tayo ng bagong sakristan,” sabi ni Juancho sa video.
Dito niya tinanong ang mga bata kung sino sa mga batang nanonood ang gustong maging sakristan, at walang takot na sinagot naman siya ng mga ito ng mga sigaw ng “Burger!”
In character pa rin, tinanong ni Juancho ang camera kung ano ang burger, bago ito nagpaalam sa mga nanonood para magpahinga.
Ito man ang unang pagganap ni Juancho bilang isang kontrabida, inamin niya na na-enjoy niya ang ginagawa niya sa Maria Clara at Ibarra.
KILALANIN DITO SI KIEL CO, ANG GUMANAP BILANG NAWAWALANG SAKRISTAN NA SI CRISPIN: