Dennis Trillo, excited nang maipakita ang transition ng kaniyang karakter sa 'Maria Clara at Ibarra'
Maging si Kapuso Drama King Dennis Trillo, marami rin daw iconic scenes na inaabangan sa historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra.
Base kasi ang serye sa mga nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo, pero mabibigyan ito ng kakaibang twist. Isang Gen Z working student kasi ang mapapadpad sa mundo ng mga nobela at makakasalamuha ang mga tauhan dito.
"Noong pinag-aaralan natin to noong mga high school tayo, hindi pa natin siya talagang ma-visualize. Ngayon, parang mas nagiging malinaw siya. Sana sa lahat ng makakapanood ng programang ito, mas ma-appreciate nila [ang mga nobela] kasi makikita nila kung ano talaga 'yung mga nangyari doon sa pag-recreate namin ng mga iconic scenes," lahad ni Dennis sa isang exclusive interview ng GMANetwork.com.
Si Dennis ang magbibigay-buhay sa karakter ni Crisostomo Ibarra, ang Filipino-mestizo na magbabalik sa Las Filipinas matapos ang pitong taong pag-aaral sa Europa.
At dahil hindi lang Noli Me Tangere kundi pati El Filibusterismo ang pinaghanguan ng serye, masasaksihan din ng mga manonood si Dennis bilang ang misteryosong alahero na si Simoun.
"Excited ako don sa transition ng characetr ni Crisostomo Ibarra papuntang Simoun doon sa book two na El Filbusterismo. Talagang major change noong character, kumbaga almost drastic dahil parang ibang tao na talaga siya pagbalik niya doon sa book two. Lahat noong frustrations, 'yung anger niya, dito niya ilalabas. Excited ako na makunan 'yun and magawa namin 'yung mga highlights ng eksena sa 'El Filibusterismo,'" pahayag ng aktor.
Umaasa si Dennis na maraming tatangkilik sa kanilang palabas dahil bukod sa very entertaining ito, marami rin daw matututunan ang mga manonood.
"Unang una isa 'to sa mga pinakamalalaking project ng GMA ngayong taon. Pangalawa, napaka gagaling ng mga kasama ko ditong mga artista. Fit sa kanilang role ang bawat isa. Pangatlo, ito 'yung programa na hindi ka magsasayang ng oras. Itong programa 'to, 'pag pinanood nila, marami kang matutunan. Maalala mo 'yung mga pinagaralan mo at the same time mas magiging malinaw pa 'yung mga ibang detalye noong mga pangyayari noong araw na 'yun," pag-iimbita ni Dennis.
Abangan si Dennis Trillo bilang Crisostomo Ibarra sa sa world premiere ng Maria Clara at Ibarra ngayong October 3, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.
SILIPIN DIN ANG EXCLUSIVE BEHIND-THE-SCENES PHOTOS MULA SA MARIA CLARA AT IBARRA DITO: