Juancho Trivino, first time gaganap bilang kontrabida sa 'Maria Clara at Ibarra'
Bahagi si Kapuso actor Juancho Trivino ng powerhouse cast ng upcoming historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra.
Kuwento ito ng isang Gen Z nursing student na mapapadpad sa mundo ng mga nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Excited na para sa show si Juancho dahil ito ang unang pagkakataon na gaganap siya bilang kontrabida.
"Ako si Padre Salvi. Alam naman natin noong unang panahon na 'yung mga pari, the friars during that time, ang very powerful and may control," pahayag ni Juancho sa isang panayam.
Sa Noli Me Tangere, si Padre Salvi ang nagdulot ng matinding kapahamakan kay Crisostomo Ibarra. May lihim din siyang pagnanasa kay Maria Clara.
Para paghandaan ang kanyang role, sumailalim si Juancho sa acting workshop sa pamumuno ni Ana Feleo. Nag-aaral din daw siya ng Spanish.
Samantala, naaala raw niya ang sarili sa co-star at expectant father na si Rocco Nacino na gaganap bilang Elias sa serye.
Malapit na kasing manganak ang misis ni Rocco na si volleyball star Melissa Gohing ngayong nagsisimula na sa lock-in taping ang aktor.
Ganito rin daw ang nangyari noon kay Juancho nang dumating sa kasagsagan ng pandemic si Liam, ang first baby nila ng asawang si Joyce Ching.
"Parehas rin kami ng pinagdaanan in a sense na when Liam was going to be born, scheduled ako to leave for Little Princess [lock-in taping] noong time na 'yun last year. Binigyan ko siya ng advice kung ano 'yung mga naging paraan namin noong time na 'yun, kung ano 'yung mga plano namin for Liam and for Joyce. Humingi siya ng mga recommendations sa akin," kuwento ni Juancho.
Abangan sina Juancho at Rocco sa world premiere ng Maria Clara at Ibarra ngayong October 3, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.
SILIPIN DIN ANG EXCLUSIVE BEHIND-THE-SCENES PHOTOS MULA SA MARIA CLARA AT IBARRA RITO: