TINGNAN: Ang mga tauhan ng 'Maria Clara at Ibarra'
Isang Gen Z na mula sa modernong panahon ang mapapadpad sa mga nobela ni Jose Rizal sa historical portal fantasy series na 'Maria Clara at Ibarra.'
Working student si Klay at ang tanging goal niya sa buhay ay makapagtapos ng kursong nursing para makapagtrabaho na abroad. Sa pagmamadali niyang iahon ang pamilya sa hirap, hindi niya maipasa ang Rizal Studies class niya dahil na rin sa kawalan ng interes dito.
Ano nga ba ang maitutulong ng pagbabasa ng 'Noli Me Tangere' at 'El Filibusterismo' sa pagsasanay niya bilang isang medical professional?
Para matutunan niyang bigyan ng halaga ang nakaraan, bibigyan siya ng kanyang propesor ng libro na literal na magdadala sa kanya sa mundo ng mga nobela.
Ano kaya ang matututunan ni Klay dito? At paano siya makakabalik sa sarili niyang mundo?
Abangan 'yan sa historical portal fantasy series na 'Maria Clara at Ibarra,' Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.
Samantala, kilalanin ang mga tauhan ng serye dito:
Crisostomo Ibarra
Si Dennis Trillo ang gaganap bilang Crisostomo Ibarra, ang Filipino-mestizo na magbabalik sa Las Filipinas matapos ang pitong taong pag-aaral sa Europa.
Klay
Si Barbie Forteza namay ay si Maria Clara "Klay" Infantes, ang Gen Z nursing student na papasok sa mundo ng mga nobela ni Jose Rizal.
Maria Clara
Gaganap naman si Julie Anne San Jose bilang Maria Clara, ang kasintahan ni Ibarra at anak ni Kapitan Tiago.
Padre Damaso
Si Tirso Cruz III ang magbibigay-buhay kay Padre Damaso, isang masamang prayle at ang tunay na ama ni Maria Clara na tumututol sa relasyon nila ni Ibarra.
Kapitan Tiago
Si Juan Rodrigo ang gaganap bilang Kapitan Tiago, ama ni Maria Clara at isang mayamang negosyante sa Binondo
Elias
Si Rocco Nacino ay si Elias, isang rebelde na magiging katuwang ni Ibarra sa kanyang adhikain sa bayan.
Fidel
Gaganap si David Licauco bilang Fidel, ang pilyong kaibigan ni Ibarra na nakapag-aral din sa Europa at malimit na kaaway ni Klay.
Padre Salvi
Si Juancho Trivino naman ay si Padre Salvi, isang prayle na may lihim na pagnanasa kay Maria Clara
Tiya Isabel
Bibigyang-buhay ni Ces Quesada si Tiya Isabel, ang mahigpit na tiyahin ni Maria Clara at katulong ni Kapitan Tiago sa pagpapalaki dito.
Professor Jose Torres
Si Lou Veloso naman ay si Professor Jose Torres, ang propesor ni Klay sa Rizal Studies.
Doña Victorina
Si Gilleth Sandico ang gaganap bilang Doña Victorina, isang Filipina na nagpapanggap bilang mestiza.