Full trailer ng 'Makiling,' may mahigit 3M views na!
Umabot na ng mahigit 3 million views ang full trailer ng mystery revenge drama series na Makiling na mapapanood simula mamayang hapon sa GMA Afternoon Prime.
Kasunod ng media conference ng nasabing serye noong Biyernes, January 5, ipinalabas na rin ang naturang trailer na agad nag-trending online.
Sa trailer, ipinakilala ang mga karakter ng mga bida ng serye na sina Elle Villanueva at Derrick Monasterio bilang ang magkasintahan na sina Amira at Alex na nakatira sa paanan ng bundok Makiling.
Ipinasilip sa teaser na makakadiskubre sina Amira at Alex ng isang mahiwagang bulaklak na may kakayahang makapagpagaling - ito ay ang Mutya.
Pilit itong aagawin sa kanila ng grupo ng mga kontrabidang tinatawag na “Crazy 5” na ginagampanan nina Myrtle Sarrosa, Kristoffer Martin, Royce Cabrera, Teejay Marquez, at Claire Castro.
Sukdulan ang sasapiting hirap ni Amira mula sa mga kamay ng Crazy 5, pero mapapanood din sa teaser ang kanyang sukdulang paghihiganti.
Kaabang-abang din ang karakter dito ng Kapuso actress na si Thea Tolentino, at ng mga batikang artista na sina Cris Villanueva, Mon Confiado, Andrea Del Rosario, Lui Manansala, Richard Quan, Bernadette Allison, at Lotlot De Leon.
Sa comments section ng nasabing full trailer sa Facebook, may iba't ibang reaksyon ang netizens tungkol sa serye.
“Kaabang-abang 'to napakaganda trailer pa lang yan ah nakakatinding balahibo na,” komento ng isang netizen.
“Sa primetime dapat ito. Grabe ang trailer. Kudos GMA and GMA Public Affairs,” dagdag pa ng isang fan.
Pinuri naman ng isang netizen ang pagiging promising umano ng Sparkle actress at bida ng serye na si Elle.
“Noon pa man nagagandahan na ako kay Elle Villanueva. She's a promising superstar!” anang isang netizen.
Sa ngayon, patuloy pa rin na nadadagdagan ang views ng nasabing trailer at pinag-uusapan online.
Kung nabitin sa mga pinakitang eksena sa trailer, 'wag mag-alala dahil mapapanood na ang Makiling ngayong Lunes, January 8, 4:00 p.m. pagkatapos ng Stolen Life sa GMA Afternoon Prime.