Magpakailanman: "Impyerno Sa Dagat: A True Story of Filipino Bravery and Perseverance"
Sa nakaraang dalawang buwan, tatlong magkakahiwalay nang kaso ng hijacking at kidnapping ang napabalita kung saan kabilang ang halos dalawampung marinong Pinoy sa binihag ng mga pirata.
Kailan nga ba matatapos ang problemang ito na madalas kaharapin at magdala ng takot hindi lamang sa mga kababayan nating marino, kundi pati na rin sa mga naiwan nilang pamilya dito sa Pilipinas? Paano nga ba nila hinaharap ang hirap at pasakit na dala ng masalimuot na sitwasyong ito?
Bilang huling handog para sa ika-anim na anibersaryo ng Magpakailanman, tunghayan ang two-part special na kuwento ng limang mangingisdang Pinoy na dumaan sa matinding hirap, gutom at pasakit sa kamay ng mga piratang Somali sa loob ng halos limang taon.
Kabilang sa kanila ang mag-pinsan na sina Arnel at Elmer. Gustong makatulong ni Arnel sa pagpapagamot sa kanyang inang may sakit at makaipon naman para sa pagpapakasal nila ng kanyang nobya. Unti-unti namang nalugi ang sakahan ng pamilya ni Elmer. Dahil dito, nagdesisyon sila na mangibang-bansa. March 2010, sumakay sa barkong FV Naham 3 sina Arnel at Elmer para magtrabaho bilang mga mangingisda, umaasang iyon ang mag-aahon sa buhay ng kanilang mga pamilya. Pero dahil taon ang inaabot sa laot, hindi sila nagkakaroon ng komunikasyon sa kanilang mga pamilya. Dahil dito, hindi nalaman ni Arnel na pumanaw na ang kanilang ina.
March 2012, habang nangingisda sa karagatan malapit sa bansang Seychelles, isang grupo ng mga piratang Somali ang nang-hijack sa barkong sinasakyan nina Arnel at Elmer kabilang ang tatlo pang Pinoy, mga Taiwanese, Chinese, Vietnamese, Cambodian at Indonesian. Agad na napatay ng mga pirata ang kanilang kapitan. Dahil hindi nakapagbigay ng ransom ang kumpanyang nagmamay-ari ng barko, hindi pinakawalan ng mga pirata ang dalawampu't walong tripulante at mangingisdang sakay doon.
Nakaranas ng matinding pagpapahirap ang mga bihag mula sa mga pirata. Nang makarating sa kanilang mga pamilya ang masalimuot nilang kalagayan, agad na humingi ang mga ito ng tulong sa gobyerno. Pero inabot ng maraming taon ang negosasyon, at walang nakakaalam kung makakalaya pa nga ba ang mga bihag mula sa mga pirata. Nang maubos ang gasolina ng barko at sumadsad na ito sa pampang, dinala ng mga pirata ang mga bihag sa mainit na gubat ng Somalia, walang masisilungan at walang maayos na pagkain at inuming tubig. Paano nga ba tumagal ang mga bihag sa ganoong sitwasyon sa loob ng maraming taon?
Sa pangunguna nina Rayver Cruz at Rodjun Cruz, tunghayan ang kabuuan ng kwento ng katatagan at pag-asa ng mga marinong Pinoy na sina Arnel at Elmer sa pagharap sa hirap na dinanas nila sa kamay ng mga pirata. Paano nga ba nila nilampasan ang masalimuot na kalagayan? At paano sila binago ng kanilang mga pinagdaanan?
Makakasama rin sa episode sina Jade Lopez, Orlando Sol, Jazz Ocampo, Angelica Ulip, Eva Darren, Aaron Yanga, Prince Clemente, Ranty Portento at Yutaka Yamakawa
Ang “IMPIYERNO SA DAGAT: A True Story of Filipino Bravery and Perseverance” ay sa ilalim ng direksyon ni Don Michael Perez at mula sa panulat at pananaliksik ni Loi Nova. Mapapanood ang two-part special episode nito sa November 17 at November 24, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman. Sa bago nitong oras, 8:30pm.