
Ngayong Sabado ating tunghayan sa Magpakailanman kung paano pinatunayan ng isang taong may kapansanan na hindi hadlang ang kanyang kalagayan upang abutin ang hinahangad niyang tagumpay.
Ito ang totoong kwento ni Renson Embradura na mas kilala sa tawag na “the one -legged long - distance runner” ng Sariaya, Quezon.
Panglima sa anim na magkakapatid, ipinanganak si Renson na putol ang kanang paa. Subalit kahit isa siyang “person with disability,” sa murang edad ay natutunan ni Renson na tanggapin at pagyamanin ang kakayahan at patunayan na hindi magiging sagabal ang kanyang kondisyon upang makatulong na maiahon sa hirap ang kanyang pamilya. Ginamit ni Renson ang mga tinamong panlalait at pambubuska mula sa mga kababata at kaklase bilang inspirasyon na makatapos ng pag-aaral hanggang kolehiyo.
Lumaki at nagbinata rin si Renson na halos kontrolin ng kanyang ama ang kanyang buhay sa takot nitong masaktan siya at mabigo lang sa kanyang mga pinapangarap. Madalas din ay ayaw siya nitong pagkatiwalaan sa paggawa ng mga bagay na sa tingin nito ay magagawa lamang ng normal na tao. Sa kabila ng kawalan ng tiwala ng ama, pinatunayan ni Renson kaya niyang makipagsabayan sa mga kaedad at kaklase. Ang resulta nito, siya lamang ang nakatapos ng kolehiyo sa kanilang pamilya.
Nang matapos sa kolehiyo ay hindi naging madali ang maghanap ng trabaho para kay Renson. Karamihan sa mga inapplyan niyang kumpanya ay “buo o normal” na tao ang hinahanap. Hindi pinanghinaan ng loob si Renson at ng lumaon ay natanggap siyang information officer sa Munisipyo ng Sariaya, Quezon.
Ang pagtatrabaho sa Sariaya Municipal office rin ang nagbukas kay Renson sa mundo ng “pagtakbo o running” nang yayain siya ng mga katrabaho na sumali sa isang fun run para sa fund raising sa pagpapaayos ng kanilang simbahan sa Sariaya. Sa kabila ng tinamong hirap at sakit ng katawan at sugat, puno ng determinsyong tinapos ni Renson ang karera. Labis ang tinamong papuri at paghanga ni Renson mula sa kanyang mga kababayan nang matapos niya ang karera. Ito ang nagbunsod para seryosohin niya at pasukin ang mundo ng “pagtakbo o running”
Nakadagdag rin sa inspirasyon ni Renson ang pagkakakilala nila ni Trisha na nang lumaon ay magiging running buddy niya at matalik na kaibigan. Subalit ng malaman ito ng kanyang mga magulang na nahuhumaling siya sa pagtakbo at sa isang babae ay tumutol ang mga ito at sinabihan si Renson na pinahihirapan lang niya ang sarili. Wala umanong siyang mapapala sa kanyang ginagawa. Hindi umano para sa isang PWD ang pagtakbo. Susuwayin ni Renson ang ama at pipiliting patunayan na mali ito ng pananaw sa tulad niyang may kapansanan.
Baon ang lakas ng loob, mapatutunayan kaya ni Renson sa ama na kaya niyang gawin ang mga bagay na kinatatakutan nito para sa kanya? Makakamit kaya niya ang tiwala at pagmamalaki ng mga magulang sa pinasok niyang larangan o mabibigo lamang siya at aaminin sa ama na hindi niya kaya at tuluyan na niyang bibitawan at tatakbuhan ang kanyang pangarap?
Itinatampok si Ruru Madrid, tunghayan kung paano lalagpasan ni Renson ang mga pagsubok na kanyang haharapin. Kasama rin sina Gardo Versoza, Isay Alvarez, Rob Moya, Arra San Agustin, Kyle Vergara, Jenzel Angeles, Julius Miguel and Rey Talosig.
Sama sama nating tunghayan Ang “Takbo ng Buhay Ko: The Renson Emradura Story” sa direksyon ni Rechie Del Carmen, sa panulat ni Loi Argel Nova at sa pananaliksik ni Rodney Junio. Ngayong Sabado, July 28 sa GMA 7, pagkatapos ng The Clash.