
Ang Kapuso stars na sina Bruce Roeland at Gabby Eigenmann ang bibida sa bagong episode ng real-life drama anthology na Magpakailanman.
Sa episode na pinamagatang "Forgive Me, Father," bibigyang-buhay nila ang kuwento ng isang pamilyang sinubok isang matinding mental health condition.
Gaganap si Bruce bilang Ruslan, habang si Gabby naman ang half-Russian niyang ama na si Philipp.
Maagang nawalay si Ruslan kay Philipp nang ipasok ito sa rehab dahil sa kanyang schizophrenia.
Nang makalabas si Philipp, magkakaroon siya ng episode kung saan muntik na niyang mapatay ang anak.
Dahil sa insidente, ipapasok muli ni Ruslan ang kanyang ama sa rehab.
"Nahihirapan siya dahil hindi niya nakikita 'yung papa niya and at the same time hindi niya din makita 'yung mama niya dahil nagtatrabaho sa ibang bansa," paglalarawan ni Bruce sa kanyang karakter.
"Dito niyo mapapanood kung papano ang pagmamahal ng ama at ng anak sa isa't isa," lahad naman ni Gabby.
Bukod kina Bruce at Gabby, bahagi rin ng episode sina Gina Alajar, Andrea del Rosario, at Analyn Barro.
SILIPIN ANG ILANG EKSENA NG EPISODE SA GALLERY NA ITO:
Abangan ang brand-new episode na "Forgive Me, Father," April 5, 8:15 p.m. sa Magpakailanman.
Naka-livestream din nang sabay ang episode sa Kapuso Stream.