'Magkaagaw,' muling magpapainit sa GMA Afternoon Prime ngayong January 18!
Dahil sa lockdown na nangyari noong Marso 2020, maraming Kapuso shows ang naantala sa production upang makaiwas sa pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Isa na sa mga naapektuhan ang hit GMA Afternoon Prime Series na Magkaagaw kung saan naputol ang istorya na nasa panganib ang buhay nina Clarisse (Klea Pineda) at Laura (Sunshine Dizon).
Ang lahat ng ito ay pakana pala ni Veron (Sheryl Cruz) upang makaganti kay Laura at pagtakpan ang namamagitan sa kanila ni Jio (Jeric Gonzales), ang asawa ni Clarisse.
Noong Disyembre, muling nagsama-sama ang cast ng Magkaagaw para sa kanilang lock-in taping upang ipagpatuloy ang kapanapanabik na kuwento ng show.
Muling nagbabalik ang main cast nito na sina Sheryl Cruz, Sunshine Dizon, Klea Pineda, at Jeric Gonzales, pati na ang ilang supporting cast tulad nina Patricia Tumulak, Polo Ravales, Dion Ignacio, at Lovely Abella.
Sa panayam ng GMANetwork.com sa love team na Klea Pineda at Jeric Gonzales, mas marami pang eksplosibong mga eksena ang sasalubong sa fans sa pagbabalik nito ngayong January 18.
Ani Klea, “Marami silang dapat abangan. Base sa mga nakunan naming eksena, lahat halos puro heavy scenes.
“Mahirap kasi, 'yun nga, nanggaling kami sa bakante na seven months pero lahat ng effort namin at oras namin ay nilalagay namin sa show na 'to.
“Dugo't pawis sa production para mapanood niyo ng maayos at marami kayong mapanood na eksena na talagang mas marami pang cliff hangers, mas marami pang challenges na mangyayari.”
Bitiw pa ni Jeric, “Tama 'yung sinabi ni Klea. Ang masasabi ko lang is walang eksenang matatapon dito o masasayang sa ginawa namin kasi intense lahat. Nandito na tayo sa climax ng kuwento kaya dapat abangan nyo. 'Wag nyo palampasin.”
Samantala, para kina acclaimed actresses Sunshine Dizon at Sheryl Cruz, isang commitment ang pagbabalik ng show sa telebisyon para mabigyan ng proper ending ang hit-rating series.
Ani Sunshine kay 24 Oras reporter Aubrey Carampel, “It's our obligation to finish what we started and I think we owe it to the audience na hindi natin sila pwedeng bitinin na hanggang du'n na lang.”
Gaya ni Sunshine, todo-bigay rin si Sheryl Cruz sa kanyang role bilang ang mapangahas na si Veron Santos sa show.
Aniya, “'Pagdating sa character ko, I can guarantee that I can give my 110% kasi I still read the scripts na pinapadala sa akin ng production. Kahit papaano, I am still able to practice my lines at 'di na nangangapa pagdating sa set.
“I think we can all agree naman na it's not the normal thing for us. It's what they call the 'new normal' which we have to adjust to. Kahit sino, we're all trying to cope with the situation right now.”
Abangan ang pagbabalik ng Magkaagaw sa GMA Afternoon Prime ngayong January 18 na!
Kilalanin muli ang cast members ng Magkaagaw sa gallery na ito.