
"Umabot ako sa point na gusto ko nang ituloy 'yung studies ko. Yes [gusto ko nang mag-give up]," pag-amin ni Kapuso star Klea Pineda sa kanyang interview sa naganap na press conference ng pagbibidahan niyang teleserye, ang Magkaagaw.
Humarap sa press ang StarSruck Season 6 Ultimate Female Survivor kahapon, October 14, at doon niya ibinahagi na right timing ang kanyang bagong Kapuso project dahil muntik na siyang mag-quit sa showbiz.
Buti na lamang daw ay biglang dumating ang Magkaagaw.
Aniya, "Pero parang ayokong i-give up eh. Parang may something sa akin na ayaw kong bitawan.
"Ito [Magkaagaw] 'yon. Ito 'yong ibinigay sa kin na isang malaking suntok ni Lord, 'This is for you and I have plans for you. 'Wag kang [maging] impatient. I'm cooking something for you na sobrang ma-a-appreciate mo after all these sacrifices, after all this waiting game. Ibibigay ko sa 'yo sa tamang timing.'"
Kaya naman nang marinig ni Klea ang magandang balitang napili siyang maging isa sa lead actors ng bagong GMA Afternoon Prime soap, laking tuwa raw ng aktres.
"Noong sinabi na sa 'kin na may new show na ako, talagang nagsisigaw ako sa kuwarto.
"Isa siyang dream come true talaga sa akin.
"And masasabi ko na, 'Klea, you did a great job.'
“Mas binigyan mo ng reason 'yung mga tao na maniwala sa 'yo and mas kilalanin ka pa.'
"Ang tagal kong pinaghirapan 'to. Ang tagal kong nag-wait. Ang tagal kong nag-pray."
Dagdag pa niya, ang Magkaagaw na raw ang itinuturing niya na biggest break sa kanyang showbiz career. "Ito na 'yung turning point ko. Happy ako talaga, sobra."
Dahil sa proyektong ito, bumalik daw ang pagiging passionate ni Klea sa kanyang trabaho. "Sabi ko kay Lord, 'thank you sa sign na 'to [dahil] biglang bumalik 'yung fire inside me. Sobrang in love ko sa craft na 'to, bumalik siya.'"
Makakapareha ni Klea ang Kapuso star na si Jeric Gonzales sa Magkaagaw.
Kabilang din sa inaabangang teleserye ang dalawa sa pinakamagagaling na aktres sa industriya na sina Sunshine Dizon at Sheryl Cruz.
#Kilig: Klea Pineda and Jeric Gonzales show they're the next love team to watch for
WATCH: Sunshine Dizon at Sheryl Cruz, muling magtutunggali sa 'Magkaagaw'
Mapapanood ang Magkaagaw sa GMA Afternoon Prime mula Lunes hanggang Sabado simula October 21 after Eat Bulaga.