David Licauco, papasok na ba sa kanyang 'bad boy' era?
Pinaka-challenging na project ang TV adaptation ng iconic 1991 film na Maging Sino Ka Man para kay David Licauco.
Siya ang gaganap sa papel ni senator Robin Padilla, ang astig na si Carding. Makakatambal ni David sa upcoming GMA action-drama series si Barbie Forteza, na gaganap naman bilang Monique, na orihinal na binigyang-buhay ni Megastar Sharon Cuneta.
"Ito 'yung role na pinakapinaghandaan ko kasi 'yung action scenes and the way magsalita si Carding is far different from my previous roles ko," bahagi ni David sa panayam ni Nelson Canlas na ipinalabas sa 24 Oras noong Biyernes, August 4.
Lalabas din ba ang pagiging bad boy ni David o dadaanin n'ya ito sa karisma ni Fidel ng Maria Clara at Ibarra?
Sagot niya, "I think a little bit of both kasi 'pag ako 'yon, sigurado iba 'yung atake no'n.
"And then sinabi nila sa 'kin na medyo ibahin ko talaga 'yung pagsasalita, matigas gano'n kasi medyo soft-spoken kasi ata ako nang konti. 'Yun 'yung actually wino-work on ko, nahihirapan ako do'n."
Samantala, si Mikoy Morales naman ang gaganap sa karakter ni Dennis Padilla sa Maging Sino Ka Man na si Libag, ang sidekick ni Carding.
Panoorin ang buong ulat:
Kabilang din sa cast ng TV adaptation ng Maging Sino Ka Man sina Juancho Trivino, Faith Da Silva, at Rain Matienzo.
Mapapanood din dito ang mga batikang artista na sina ER Ejercito, Jeric Raval, at Jean Garcia.