Michelle Vito sa kanyang 'Lovers/Liars' role: 'This one is more mature'
Bago at kakaiba para kay Michelle Vito ang karakter na gagampanan sa latest collaboration series ng GMA Network at Regal Entertainment na Lovers/Liars.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com, ibinahagi ng aktres na mas "mature" na Michelle ang makikita ng manonood sa bago niyang pagbibidahang serye.
Sa non-conventional, triple-plot drama series na ito, makikilala si Michelle bilang Andrea "Andeng" Segreto, isang single mom. Kailanman ay hindi niya ipinaalam kay Joseph (Rob Gomez), dati niyang kasintahan, na nagkaroon sila ng anak.
"Ang pagkakakilala ko sa kanya sobrang tapang n'ya. Sobrang strong ng personality n'ya because growing up [marami s'yang] pinagdaanan sa buhay. Marami s'yang pinasukan na work para lang makaraos s'ya sa buhay n'ya," paliwanag ni Michelle sa gagampanang karakter.
Pagpapatuloy niya, "S'ya ay isang single mom. Lahat ginagawa n'ya para sa anak n'ya, para sa sarili n'ya. Ang lahat ng ginagawa n'ya sa life, umiikot lang sa anak n'ya kasi iyon 'yung naging buhay n'ya.
"I think ang bago kasi usually nasanay sila na kontrabida ako o mayaman ako, lagi akong nakaayos, lagi akong naka-glam, ito it's different kasi hindi ako rito nakaayos palagi.
"And first time ko rin na gagawin na single mom. Actually may nagawa naman ako before na hindi mayaman but this is kinda really different kasi medyo mature na siya compare sa mga nagawa ko before na love team or puro teens kasama ko. This one kasi malayo talaga s'ya."
Ayon kay Michelle, dapat na abangan ng manonood ang bagong ipapakita niya sa Lovers/Liars.
"Hindi ito 'yung usual Michelle na napapanood n'yo rati, o 'yung maarte o pa-cute o pa-tweetums. This one is more mature.
"And naniniwala ako na mas maraming makaka-relate sa character ko, most especially 'yung mga single mom kung paano sila nagtatrabaho para sa anak nila and doon umiikot ang buhay nila.
Bukod sa kanyang karakter, dapat ding abangan aniya ng manonood ang iba pang mga karakter na bibida sa serye. Makakasama niya sa Lovers/Liars sina Optimum Star Claudine Barretto, Shaira Diaz, Yasser Marta, Rob Gomez, Kimson Tan, Sarah Edwards, Polo Ravales, Christian Vazquez, at Lianne Valentin.
"Ang dapat nilang abangan sa 'Lovers/Liars' ay ang dami kasing nangyayari rito kasi hindi siya umiikot sa isang story lang, [marami] s'yang iniikutang story.
"Naniniwala ako na 'yung ating viewers makaka-relate sila sa bawat characters kasi mayroon silang sari-sariing challenges. And I think 'yung story na 'to para s'yang rollercoaster sa sobrang dami ng nangyayari, very very exciting."
Abangan si Michelle sa Lovers/Liars simula November 20, 9:35 p.m. sa GMA Telebabad.