Ruru Madrid
TV

Ruru Madrid, nagsimula nang mag-taping ng bagong yugto ng 'Lolong'

By Marah Ruiz
Bukod sa bagong lokasyon at bagong mga karakter, ano pa ba ang aabangan sa bagong yugto ng 'Lolong?'

Malapit nang mapanood ang bagong yugto ng primetime series na Lolong.

Sa pagpapatuloy ng mas gumagandang kuwento ng pangalawang season nito, susugod na ang bidang si Lolong, karakter ni primetime action hero Ruru Madrid, sa Maynila.

"Actually, this week magiging madugo. Grabe ang mga bakbakan. Magiging ma-drama, iyakan," bahagi ni Ruru mula sa bagong set ng serye.

Sa pagdating niya sa siyudad, mas malaki at mas mapanganib ang haharapin niyang mga pagsubok.

"Ibang-iba 'yung location po natin ngayon dahil may panibagong sorpresa po ang Lolong para po sa mga manonood natin," lahad ng aktor.

Ayon kay Ruru, talagang malaki ang mga magiging pagbabago sa serye kaya umaasa siyang mas marami pang mga manonood ang sumuporta dito.

"Ito po ang aming kauna-unahang taping para po sa bagong yugto ng Lolong. Ang totoo nga niyan, kahit po ang aming title ay iibahin po natin. From Lolong: Bayani ng Bayan, ngayong Lolong: Pangil ng Maynila na siya," paliwanag ni Ruru.

Marami din mga artistang magiging bagong adisyon sa cast.

"Nandito po si Ms. Tessie Tomas, ganoon din po si Mr. Ketchup Eusebio. Makakasama rin po natin, Mr. Wendell ramos, Matt Lozano, Yasser Marta. Mr. Rowell Santiago, makakasma rin po natin," ani Ruru tungkol sa ilang sa bago niyang co-stars.

Pero paglilinaw niya, may ilan pa rin mga mga minamahal na tauhan mula sa nakaraang yugto ng serye na hindi pa rin mawawala.

"Marami rin po na from Tumahan ay mapupunta na rin po dito sa Maynila. Abangan po natin kung sino-sino po ang mga mapupunta, kung papaano sila magkikita-kita," ayon kay Ruru.

Siyempre, hindi makukumpleto ang kuwento ng Lolong kung hindi kasama ang dambuhalang buwaya na si Dakila.

"Abangan po natin kung papaano ba muling magtatagpo si Lolong at ang kaibigan niya na si Dakila," sabi ni Ruru.

Abangan ang mas matalas na pangil na hustisya sa bagong yugtong Lolong: Pangil ng Maynila, Lunes hanggang Biyernes, simula March 27, 8:00 p.m. sa GMA Prime.

May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.

NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.