Mikay ng ToRo Family, ni-review ang kanyang first acting experience
"Ang hirap palang maging artista."
'Yan ang pahayag ng social media star na si Mikay mula sa ToRo Family tungkol sa first acting experience niya sa telebisyon.
Isa si Mikay sa most awaited guest stars ng primetime series na Lolong: Bayani ng Bayan.
Nakatambal ni Mikay dito ang Kapuso actor na si Juancho Trivino at nagkuntsaba ang kanilang mga karakter para perahan ang isang mayamang may-ari ng pagawaan ng suka na ginagampanan naman ng beteranang aktres na si Tanya Gomez.
Nang magkaalaman na, mauuwi ito sa kumpruntasyon ng kanilang mga karakter kung saan masasabunutan si Mikay at ingungudngod pa sa labahan.
"Grabe, sobrang intense noong eksena. First time kong masaktan sa TV pero hindi siya masakit. Masaya naman 'yung experience," bahagi ni Mikay.
Ibang-iba raw para sa kanya ang pag-arte, kumpara sa digital content creation na mas nakasanayan niya.
"Sobrang laki ng pinagkaiba kasi po sa vlogging ngayon, wala naman po kaming script. Malaki po 'yung difference pero this is a great experience," aniya.
Nag-enjoy din daw si Mikay sa mga eksena nila nina Juancho at Tanya.
"Happy ako sa mga nakakatrabaho ko dahil sobrang babait nilang lahat," papuri niya sa co-stars.
Samantala, maraming mga pagbabago ang parating sa Lolong: Bayani ng Bayan.
Ayon 'yan sa bida nitong si primetime action hero Ruru Madrid na gumanap bilang bidang si Lolong.
"Mas na-e-excite ako sa mga magiging bagong istorya ng Lolong dahil ibang-iba. Ibang-ibang aksyon at ibang-ibang drama ang inyong mapapanood ngayon," sambit ni Ruru sa isang panayam.
Ganito rin ang nabanggit ng leading lady sa serye na si Shaira Diaz.
"Nagbabasa ako ng script, tapos nagulat ako sa plot twist ng Lolong. Dapat abangan nila 'yan. Pero siyempre, abangan muna nila kung makakatakas ba si Lolong, kung paano niya masusugpo 'yung kasamaan," aniya.
Patuloy na tumutok sa dambuhalang adventure serye na Lolong: Bayani ng Bayan, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.