'Lolong' star Ruru Madrid, nakatanggap ng mensahe mula sa asawa ni Ernesto 'Lolong' Coñate
Masaya si Kapuso Action-Drama Prince Ruru Madrid nang maimbitahan siya ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho para sa isang panayam.
May mahalagang koneksiyon kasi ang KMJS sa pinagbibidahan niyang top-rating action-adventure series na Lolong.
Kay KMJS host Jessica Soho at KMJS program manager and GMA Public Affairs Assistant Vice President Lee Joseph Castel kasi galing ang story idea ng Lolong.
"Kasi inspired 'yun ng mga istorya namin sa KMJS din. Sa Pilipinas, lalo na 'yung mga malalayong isla na may mga buwaya, mayroon nang parang agawan ng teritoryo 'yung mga tao at 'yung mga buwaya," pahayag ni Jessica.
"Very happy po, Ma'am Jes, na ako po 'yung napili dito sa project. Very refreshing kasi dahil pangangalaga sa kalikasan," bahagi ni Ruru.
Bukod dito, nakatanggap din si Ruru ng isang mensahe mula sa misis ng environmentalist at crocodile hunter na si Ernesto "Lolong" Coñate.
Si Lolong Coñate ang namuno sa paghuli ng dambuhalang buwaya sa Agusan del Sur noong 2011. Sa kasamaang palad, inatake siya sa puso at namatay isang linggo bago mahuli ang buwaya.
Bilang parangal sa kanyang kabayanihan, sa kanya ipinangalan ang nahuling buwaya na itinuturing na pinakamalaking crocodile in captivity.
Ang asawa niyang si Gina Coñate, isa sa mga masusugid na manonood ng seryeng Lolong. Nabubuhay raw kasi ang mga alaala ng kanyang asawa sa pamamagitan nito.
"Hi Ruru! Masaya ako tuwing gabi, napapanood ko ang teleseryeng Lolong. Naaalala ko 'yung aking asawa noong nabubuhay pa siya. Proud ako tuwing naririnig ko 'yung pangalan ng asawa ko. Kasi 'yung mister ko noon talagang ang buwaya lang ang kanilang pinaglalaban. Mas lalo mo pang pagbutihin ang pagganap bilang Lolong," mensahe ni Gina kay Ruru sa pamamagitang ng isang recorded video.
Lubos naman ikinagalak ni Ruru na kabilang si Gina sa mga tumututok sa kanilang programa gabi-gabi.
"Wow, nakaka-touch naman. Hindi ko po alam na pinangalan po pala si Lolong doon sa nakahuli po," lahad ng aktor.
Panoorin ang buong feature ng KMJS kay Ruru rito:
Samantala, patuloy ring panoorin ang dambuhalang adventure-serye ng primetime na Lolong, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.