Bagong yugto ng 'Lolong,' silipin!
Ngayong parating na Lunes, August 15, magsisimula ang bagong yugto ng dambuhalang adventure-serye ng primetime na Lolong.
Sa bagong yugtong ito, lalaban na ang mga buwaya at gaganti na ang tribong inapi--ang mga Atubaw.
Si Dakila, ang pinakamalaking buwaya sa buong mundo, ay mahuhuli at ikukulong.
Mabubunyag din na buhay pa pala si Diego (Vin Abrenica), ang nawawalang boyfriend ni Bella (Arra San Agustin). Isa siyang Atubaw at siya ang nagsisilbing leader sa bagong digmaang sisimulan ng kanilang lahi.
Sasama si Lolong (Ruru Madrid) sa kanilang laban kaya ituturing siyang rebelde at magiging wanted ng mga kinauukulan.
Samantala, hindi pa rin matanggap ni Martin (Paul Salas) na isa siyang Atubaw at malalaman ito ni Armando (Christopher de Leon). Papapiliin siya ni Karina (Rochelle Pangilinan) sa pagitan ng pagkakampi sa kinikilala niyang pamilya o sa tunay niyang mga kalahi.
Isang sikreto rin ang patuloy na itinatago nina Karina at Narsing (Bembol Roco) kay Lolong.
Magsisimila na ang bagong digmaan para sa katarungan at kapangyarihan.
"Kung kamatayan ko ang magiging kapalit, handa na ako," sambit ni Lolong.
"Para sa lahat ng Atubaw, hindi natatapos ang laban," dagdag pa niya.
Abangan ang bagong yugto ng dambuhalang adventure-serye ng primetime na Lolong, simula August 15, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.