
Maikli man ang naging paglabas ng award-winning actor na si Mon Confiado sa pinakabagong GMA Telebabad series na Legal Wives, tumatak naman sa mga manonood ang kanyang karakter.
Gumanap si Mon bilang Mayor Usman Pabil, ang ama ni Marriam na ginagampanan ni Ashley Ortega.
Nagsimula siya ng isang rido o clan war sa pag-aakalang nadungisan ni Ismael, karakter ni Kapuso Drama King Dennis Trillo, ang dangal ng kanyang anak.
Sa episode kagabi (August 4), inatake sa puso si Mayor Usman. Tila ito ang morka o kapahamakan na dulot ng kasinungalingang isinumpa ni Marriam kay Allah.
Nagpasalamat kay Mon ang concept creator at head writer ng Legal Wives na si Suzette Doctolero.
"Salamat Mon Confiado sa pagtanggap ng role kahit sandali lang. Salamat kapatid. From the heart," ani pa niya sa kanyang Facebook account.
Sumagot naman ang award-winning actor sa comments at tinawag na obra ang serye.
"Maraming Salamat po ma'am Suzette Severo Doctolero! Isang malaking karangalan po para sa akin bilang aktor ang mapabilang sa inyong obra. Salamat po ng marami sa bumubuo ng 'LEGAL WIVES' at isang malaking pagbati! Congratulations!" sulat niya.
Tulad ni Mon, special participation din ang pagganap ng actor-politician na si Alfred Vargas sa serye.
Napanood si Alfred dito bilang Nasser, ang nakatatandang kapatid ni Ismael na namatay sa rido.
Samantala, patuloy na tumutok sa Legal Wives, Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng The World Between Us sa GMA Telebabad.