Legal Wives
TV

Dennis Trillo, nakikita ang sarili sa kanyang 'Legal Wives' role

By Marah Ruiz
May nakikita daw na pagkakatulad si Dennis Trillo sa kanyang sarili at sa kanyang 'Legal Wives' character na si Ismael.

Inilarawan ni Kapuso Drama King Dennis Trillo bilang "mapagmahal" si Ismael, ang kanyang karakter sa pinakabagong GMA Telebabad series na Legal Wives.

Ito daw ang katangian ni Ismael na maitutulad niya sa kanyang sarili.

"Unang una, si Ismael, isa siyang magpagmahal na asawa. Napakamapagmahal niya kahit sa tatlong asawa niya. Sa pamilya niya napakamagpagmahal niya din. Actually, 'yun 'yung una niya--ayaw niyang suwayin 'yung utos ng kanyang ama.

"Nakikita ko 'yung sarili ko sa kanya dahil ganoon din ako, mapagmahal. Wala pa kong asawa pero magpagmahal ako. Mapagmahal din ako sa aking pamilya. Lagi ko silang inuuna," pahayag ni Dennis sa isang virtual interview.

A scene from Legal Wives

Ang karakter ni Dennis na Ismael ay isang lalaking Mranaw. Pakakasalan niya ang tatlong magkakaibang babae dahil sa iba't ibang mabibigat na dahilan.

Ito naman daw ang pagkakaiba niya sa karakter. Sa tingin daw kasi ni Dennis, hindi niya kakayaning magkaroon ng tatlong asawa.

"Siguro, ang pagkakaiba naman namin, si Ismael kasi kaya niya, e. Kaya niyang i-handle 'yung tatlo. Ako, hindi ko kaya. Hanggang isa lang talaga ako," lahad ng aktor.

Sa tingin daw niya, maipapakita sa serye ang sakripisyo ni Ismael sa pagkakaroon niya ng tatlong asawa.

"Mahirap magkaroon ng tatlong asawa. Siguro si Ismael, kaya niya 'yun dahil gawa ng sitwasyon na nagdikta kung bakit kailangan niyang gawin 'yun. Pero kung isang ordinaryong Pilipino na Kristiyano, medyo mahihirapan lalo na sa panahon ngayon, mahirap yung buhay," ani Dennis.

"Kung mapapanood n'yo itong 'Legal Wives,' magkakaroon kayo ng idea kung papano ba magkaroon ng tatlong asawa na legal at sa isang punto ay magkakasama-sama sa isang bahay. Excited akong mapanood n'yo 'to," dagdag pa niya.

Tunghayan ang kuwento ng Legal Wives, Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng The World Between Us sa GMA Telebabad.

NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.