TV

EXCLUSIVE: Direk Zig Dulay, ibinahagi ang mga orihinal na plano para sa 'Legal Wives'

By Marah Ruiz
Aminado ang direktor na si Zig Dulay na may ilang mga plano para sa 'Legal Wives' ang hindi nasunod dahil sa pandemya.

More than one year in the making ang pinakabaong GMA Telebabad series na Legal Wives.

Taong 2019 nabuo ang mga unang plano para rito, habang unang bahagi naman ng 2020 inanunsiyo ang cast at cteative team sa likod nito.

Ang Legal Wives ay kuwento ng isang kakaibang pamilya kung saan pakakasalan ng isang lalaking Mranaw ang tatlong magkakaibang babae dahil sa iba't ibang mabibigat na dahilan.

Legal Wives

Sa isang eksklusibong panayam ng GMANetwork.com, ibinahagi ng direktor nitong si Zig Dulay ang ilang orihinal na plano para sa serye na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

"Ang laki laki ng expectation since wala namang notion before ng pandemic. Ang original plan ay magshu-shoot pa nga sa Marawi mismo kasi Marawi 'yung location [ng istorya,]" pahayag niya.

Mahalaga raw kasi para sa kanya ang immersion, lalo na at ibang kultura ang ipapakita sa series. Ginunita ni direk Zig na ganito rin ang ginawa nila para sa cultural drama series na Sahaya kung saan siya rin ang nagsilbing direktor.

"Bago namin i-shoot 'yung 'Sahaya,' ang laking bagay 'yung nakapunta kami ng Tawi-Tawi. Somehow nag-immerse kami ng ilang araw.

"Ako kasi fan ako ng ganoon. Kapag gumagawa ako ng mga pelikula lalong lalong na tungkol sa mga indigenous people, importante sa akin lagi 'yung research. Importate sa akin lagi 'yung somehow nai-immerse mo 'yung sarili mo kasi naniniwala ako na 'yung subconscious mo nagwo-work.

"Parang unconsiously, 'yung mga nakita mo, 'yung mga natutunan mo doon sa immersion na 'yun, nailalagay mo siya [sa kuwento] kahit hindi mo nilista 'yung mga dapat ilagay. Iba kasi 'pag nararamdaman mo na 'yung lugar, 'yun na 'yung hahanapin kapag dini-direct mo na 'yung eksena. Iba 'yung naidadagdag," paliwanag ni Zig.

Dahil hindi na natuloy ang kanilang immersion, mas puspusan ang ginawa nilang research at pagdulog sa mga cultural consultants.

"'Yung representation ng mga IPs (indigenous people) doon sa mainstream media, laging may gap, lagi laging may mali. Ngayon na ikaw na 'yung nandiyan, ano 'yung puwede mong gawin?" aniya.

"Sinisikap ko lagi na maging culturally ang politically-correct 'yung repesentation sa kanila. Medyo challenge sa akin 'yun, lalong lalo na telserye na alam nating fictional lang naman. Gayunpaman, siyempre number one na isinasangalang-alang 'yung pagiging sensitive at pagiging accurate ng mga detalye sa abot ng aming makakaya," dagdag pa ni Zig.

Lalo pang naging challenging ang paggawa ng telserye dahil sa mga nagbabagong restrictions at heath protocols na dala ng pandemic.

"Siyempre may mga adustments kasi nga nagkaroon ng pandemic. Ano na ang gagawin? Medyo nagtagal siya kasi kailangan mag-rewrite ng script. Somehow my streamlining na nangyari.

"Ang lalaking mga eksena 'yun tapos kailangan ng maraming tao, medyo matagal din gawin. May mga pagbabago just because nagkaroon ng pandemic pero ginawan pa rin naman ng paraan. Dito ka talaga bibilib sa creative team--kung paano nila ginawang maayos at maganda pa rin 'yung pagkakalatag ng kuwento," lahad ni Zig.

Naging mahirap man, maipagmamalaki naman daw niyang nakasabay dito ang produksiyon ng teleserye.

"Yung laki at yaman ng serye when it comes to culture, religion and politics and tungkol siya sa mga IPs lalong lalo na, feeling ko 'yun 'yung uniqueness o kaya 'yun 'yung maipagmamalaki ng teleseye talaga," bahagi niya.

Panoorin ang cultural drama series na Legal Wives, Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng The World Between Us sa GMA Telebabad.

Samantala, tingnan sa gallery sa ibaba kung ano ang pinagkakaabalahan ng cast ng Legal Wives habang nasa quarantine.

Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition
NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.