
Taos-pusong nagpapasalamat ang Kapuso komedyante na si Tekla sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga manunuod ng Inday Will Always Love You.
Kinikilabutan raw ang Kapuso star sa suporta na kanyang natatanggap, lalong-lalo na ito ang kanyang kauna-unahang soap opera.
Matatandaang nag-top trending topic sa Twitter ang hashtag na #IWALYHelloTekla noong unang ipinakilala ang kanyang karakter na si Kimberlou sa pilot week ng GMA Telebabad soap.
“Thank you! Nakakakilabot [na] maramdaman mo ‘yung love ng mga tao kapag na-appreciate nila ang ginagawa mo every time. Nagpapasalamat ako na nag-eenjoy sila. Gulat na gulat nga ako noong tiningnan ko na trending ako. Bongga!” kuwento ni Tekla sa ekslusibong panayam ng GMANetwork.com.
“Nagpapasalamat kami sa mga Kapuso. Kung ‘di dahil sa kanila, wala tayong trabaho,” patawang sinabi ng Kapuso comedian.
Bukod sa mga taga Maynila, handog rin ni Tekla ang show sa kanyang mga kababayan, “Para ito sa mga makaka-relate na Cebuano, buong Mindanao at Visayas.”