
Maraming mga maiinit na eksena ang kailangan abangan sa pinakaunang adboka-serye ng GMA, ang Hindi Ko Kayang Iwan Ka. Nakasentro ang kwento sa hirap at pakikibaka ng isang HIV victim.
Bukod sa HIV awareness na nais iparating ng karakter ni Kapuso star Yasmien Kurdi, kaabang-abang din ang kanyang steamy sexy shower scene sa GMA Afternoon Prime soap.
“Isa iyon sa mga fun parts kasi medyo sensitive scene siya pero naging nakakatawa,” bunyag ng Hindi Ko Kayang Iwan Ka leading lady sa Unang Hirit.
Maraming mga aral ang mapupulot sa soap. Ayon sa co-star at leading man niyang si Mike Tan, “Kailangan nilang abangan ‘yung istorya mismo [at] ‘yung matutunan nila doon sa first adboka-serye. ‘Yung matutunan nila para maging aware sila doon sa sakit na HIV.”
Nagpapasalamat sina Yasmien at Mike sa ating mga Kapuso na nanood, sumuporta at nagpa-trend ng kanilang pilot week.
“Masaya kami na napanood nila ‘yung mga pinaghirapan namin sa episode,” saad ng aktres. Dagdag naman ni Mike, “Nagpapasalamat po kaming dalawa ni Yasmien Kurdi sa lahat ng nanood at sumusuporta sa Hindi Ko Kayang Iwan Ka.”
Tunghayan tuwing hapon ang Hindi Ko Kayang Iwan Ka mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng The Stepdaughters.