Anne Curtis, Ogie Alcasid, at iba pang hosts ng 'It's Showtime,' nagpasalamat sa GMA executives at mga Kapuso
Bukod sa comedian-host na si Vice Ganda, present din sa katatapos lamang na contract signing ng It's Showtime at GTV ang kanyang co-hosts na sina Ogie Alcasid, Anne Curtis, Jhong Hilario, at marami pang iba.
Sa mismong contract signing event na ginanap ngayong Miyerkules June 28, nagbigay ng pahayag ang aktres at isa sa hosts ng programa na si Anne Curtis.
“In behalf of Showtime family… I would like to say thank you very much… for giving us a venue to continue our journey…”
Dagdag pa ni Anne, “On this day, I can say na G na G na po talaga kaming lahat as we celebrate this remarkable day of becoming a Kapamilyang Kapuso.”
Samantala, napag-alaman ng GMANetwork.com na hindi pala dapat makakapunta ang singer-host at dating Kapuso na si Ogie Alcasid sa naturang event.
Ayon kay Ogie, “Real talk lang po, I was not supposed to be here today because we have a concert with my wife [Regine Velasquez in Qatar… I really wanted to be here today for many reasons, one of which is gustong-gusto ko pong makita 'yung dati kong mga boss…This is something that I didn't want to miss...”
Kasunod nito, nagpasalamat si Ogie sa dati niyang mga boss sa GMA at sa mga Kapuso, “Talagang maliit ang mundo natin sapagkat may mga taong malalaki ang mga puso, tulad po ninyo na nag-welcome po sa amin. Maraming Salamat sa pag-welcome ninyo sa aming mga Kapamilya.”
Nang tawagin naman ng hosts ng event na sina Iya Villania at Robi Domingo si Jhong Hilario, sinimulan niya ang kanyang pahayag sa pagbati sa kanyang mga boss sa ABS-CBN at pati na rin sa bago nilang mga boss sa GMA at GTV.
Matapos nito, nagpaabot din siya ng pasasalamat sa mga Kapuso na tumanggap sa kanilang programa.
Pahayag ni Jhong, “Sa inyo po na nagpatuloy sa amin sa inyo pong tahanan, wala po kaming iba pang gustong sabihin kundi, Maraming Salamat. Hindi lang po ang Showtime family... ang pinatuloy ninyo sa inyong tahanan kundi ang napakaraming taong sumusuporta sa Showtime... God bless you more po.”
Kasunod nito, nag-iwan pa ng quote si Jhong para sa kanilang mga bagong boss. Sabi niya, “A great man is always willing to be little.”
Sunod namang nagbigay ng pahayag si Kim Chiu, ang girlfriend ng Kapuso actor na si Xian Lim.
Pagbabahagi ni Kim, “Gusto ko pong magpasalamat sa lahat ng bumubuo ng GTV sa GMA na pinatuloy n'yo po ang aming show na naghahatid ng saya sa madlang pipol.”
Magsisimula nang mapanood ang It's Showtime at ilang Kapamilya stars sa GTV sa darating na July 1, 2023.
SAMANTALA, KILALANIN ANG KAPAMILYA STARS NA MULING MAPAPANOOD SA KAPUSO CHANNEL SA GALLERY NA ITO.