Sanya Lopez
TV

Sanya Lopez, sa mga kumukuwestiyon sa kanyang pagiging artista: "Ipinagdadasal ko na lang"

By Jimboy Napoles
Inamin ni Sanya Lopez sa Fast Talk with Boy Abunda na nasasaktan din siya sa mga kumukuwestiyon sa kanyang kakayahan bilang aktres.

Bagamat itinuturing na isa sa pinakamahusay na aktres ng kanyang henerasyon ang Sparkle star na si Sanya Lopez, marami pa rin ang kumukuwestiyon sa kanyang kakayahan bilang isang artista.

Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda ngayong Biyernes, February 17, madamdamin ang naging usapan ng King of Talk na si Boy at ng aktres na si Sanya tungkol sa kanyang mga pinagdaanan bago maging matagumpay ang karera sa show business.

Isa si Sanya sa mga artistang na-discover ng yumaong star builder na si German Moreno noong 2014 kasama ang kanyang kuya at kapwa Kapuso artist na si Jak Roberto.

Gaya ng humble beginnings ng ilang mga artista, hindi naging madali ang buhay ni Sanya lalo na nang mamaalam ang kanyang ama noong isang taong gulang pa lamang siya. Si Sanya ay lumaki sa isang simpleng pamilya sa Laguna kasama ang kanyang ina at kanyang lola na nagpalaki sa kanilang magkakapatid.

Ayon kay Sanya, marami na rin siyang mga pinagdaanan sa showbiz pero kailangan niyang maging matatag upang makatulong na maitaguyod ang kanyang pamilya kasama ang kuyang si Jak.

Taong 2016 nang unang nabigyan ng malaking break si Sanya nang gampanan niya ang papel ni Sang'gre Danaya sa top-rating fantasy-drama na Encantadia.

Sa kanyang panayam kay Boy, tinanong ng batikang host kung naniniwala ba ang aktres sa suwerte. Inihayag naman ni Sanya na naniniwala siya ngunit nakasalalay pa rin sa tao ang kanyang suwerte.

Sumang-ayon naman dito si Boy at sinabing, “Ikaw ang gumagawa ng suwerte.”

Matapos ito, pinag-usapan naman ng dalawa ang pinaka-unang teleserye ng aktres kung saan siya mismo ang nasa title role -- ang First Yaya.

Ang naturang serye ay kinilala bilang isa sa pinaka-matagumpay na TV series noong 2021. Una itong umere sa GMA noong taong 2021.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na ang nasabing proyekto ay unang binuo para sa Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera noong 2019 pero nang magkaroon ng pandemya noong 2020 kinailangang mag-backout ni Marian para sa seguridad ng kanyang mga anak na sina Zia at Sixto.

Matapos ito, nagkaraoon din ng pagbabago sa ilang cast at napunta ang title role kay Sanya.

Kaya naman direktang sambit ni Boy kay Sanya kaugnay sa mga nagdududa sa kanyang kakayahan bilang aktres, “You were counted out of the race even before it started.”

Sumang-ayon naman dito si Sanya at inaming maraming tao ang talagang nagduda sa kanya. Pagbabahagi pa ng aktres, nasasaktan siya mga sinasabi ng ibang tao na hindi siya karapat-dapat bilang kapalit ng prime star ng network dahil may iba pang aktres na mas sikat pa sa kanya at hindi siya deserving sa proyekto.

Pero nanatiling matatag si Sanya tungkol dito. Aniya, “Ipinagdadasal ko na lang, tito Boy.”

Nang tanungin naman ni Boy kung kanino siya nagsusumbong sa mga pangungutya na natatanggap niya, ito ang naging sagot ng aktres, “Ayaw ko rin kasi makitaan ng kahinaan ng family ko.”

Dagdag pa ni Sanya, “As much as possible, ipagdasal na lang natin tapos gawin na lang nating maganda iyong… malay mo makatulong pa 'yung mga comments ng tao para mas galingan mo pa.”

Ngayong 2023, muling magbabalik sa primetime si Sanya sa upcoming mega serye ng GMA na Mga Lihim ni Urduja. Dito ay ginagampanan niya ang isang babaeng ipinaglalaban ang karapatan ng bayan at itinataguyod ng buong pagmamahal ang kanyang pamilya -- mga katangiang hindi nalalayo sa pagkatao ni Sanya.

Ayon sa aktres, hindi siya pinanghihinaan ng loob sa mga pagsubok na dumating sa kanyang buhay at karera. “Hangga't kaya ko na kontrolin ang ano mang feeling na magpapataob sa akin mas tinutulungan ko ang sarili ko. 'Kaya mo iyan, kinakaya ng iba, bakit hindi mo kaya,'” aniya.

Abangan ang Mga Lihim ni Urduja ngayong February 27 sa GMA Telebabad.

Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.

BALIKAN ANG CAREER HIGHLIGHTS NI SANYA LOPEZ SA GALLERY NA ITO:

NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.