Faith Da Silva, inaming nagkagusto kay Albert Martinez
Diretsahang sinagot ng Kapuso actress na si Faith Da Silva sa Fast Talk with Boy Abunda ang isyu tungkol sa umano'y relasyon nila ng dating co-star at batikang aktor na si Albert Martinez.
Sa panayam ni Faith sa batikang host na si Boy Abunda, ipinaliwanag niya kung bakit madalas siyang naiuugnay sa ilang mga lalaki sa showbiz mapa-co-star o man o hindi.
Lingid sa kaalaman ng publiko, lumaking malayo sa ama si Faith dahil dalawampung taon nang nasa kulungan ang kanyang ama, ang dating aktor na si Dennis Da Silva, dahil sa patung-patong na kaso.
“A lot of people made me feel na, I'm weak, na ang hina ko namang babae kasi palagi akong naghahanap ng pagmamahal sa labas ng pamilya ko, ng isang lalaki. And hindi ko kinailangan gawin 'yun, e. It was just that, wala akong tatay na kinalakihan,” paliwanag ni Faith.
Sa usapin ng paghahanap ng father figure, hindi naiwasang iugnay ni Boy ang pagkaka-link ni Faith sa batikang aktor na si Albert.
Matatandaan na nagsimulang umugong ang isyu sa pagitan nina Faith at Albert dahil sa pagiging malapit nila sa isa't isa nang magkasama sila sa seryeng Las Hermanas noong 2021.
Tanong ni Boy kay Faith, “Nagkaroon ka ba ng relasyon kay Albert Martinez? Oo o hindi?”
Mabilis naman itong sinagot ni Faith, “Hindi.”
Bagamat hindi sila nagkaroon ng relasyon, inamin naman ng aktres na totoong nagkagusto siya kay Albert dahil sa pag-aalaga at paggabay nito sa kanya habang ginagawa nila ang nasabing series.
Aniya, “Pero masasabi ko na nagustuhan ko siya. Nagustuhan ko siya kasi nakita ko kung paano niya ko inalagaan and kung paano niya ko ginuide bilang bagong artista.”
Dagdag pa niya, “Mabait siya. He's sweet kaya lang alam ko na super love niya ang late wife niya.”
Matapos ito, dinugtungan ni Boy ang pag-amin ni Faith ng isa pang tanong, “hanggang saan dumating ang pagkagusto mo sa kanya?”
Sagot ng dalagang aktres, “Wala naman masyado kasi mahirap 'yung sitwasyon. First time ko lang 'yun ma-experience, na 'yung age gap namin medyo malayo talaga, and I could see and I could feel kung gaano niya talaga kamahal 'yung wife niya kasi 'yun 'yung palagi niyang ikinukuwento.”
Paglilinaw naman ng aktres, magkaibigan sila ngayon ni Albert at proud na ibinahaging single siya ngayon at very independent.
“I believe in the power of independence. And 'yun nga, since before, I was always looking for love, looking for love, narealize ko na, 'Girl, nandito s'ya sa loob. The love is within your heart.'”
Napabilib at napapalakpak naman si Boy sa sinabi ni Faith. Sa pagtatapos ng kanilang interview, binigyan pa niya ito ng long overdue na aginaldo bilang ninong nito sa binyag.
Sa ngayon ay napapanood naman si Faith bilang kontrabida na si Carnation sa GMA Afternoon Prime series na Unica Hija.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:50 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SILIPIN ANG JAW-DROPPING PHOTOS NI FAITH DA SILVA SA GALLERY NA ITO: