Paolo Contis, may mensahe sa kanyang ina: 'Sorry for everything'
Madamdamin ang naging second part ng interview ni Paolo Contis sa Fast Talk with Boy Abunda nang ibahagi niya ang kanyang mensahe sa kanyang ina na isang stroke survivor.
Lingid sa kaalaman ng publiko, bago sumalang si Paolo sa kanyang interview ay isinugod pa sa ospital ang kanyang ina na si Jean Contis pero agad naman na bumuti ang lagay nito bago siya umalis.
Nang hingin ni Boy Abunda ang mensahe ni Paolo para sa kanyang ina, agad na naging emosyonal ang aktor.
“I love you ma, sorry hindi ka nakakanood ngayon,” aniya.
“I promised nung nawala si Papa I'll take care of you…I failed. Pangako ko 'yun na habang-buhay kitang aalagaan and somehow, I failed,” umiiyak na sinabi ni Paolo.
Sa kanyang mensahe, nangako naman ang aktor na babawi siya sa kanyang ina sa lahat ng mga maling bagay na kanyang nagawa.
“Maging okay ka lang dire-diretso, bago ka mawala ipapakita ko sa'yo 'yung pagbabago ko. Totoo yun,” aniya.
Ikinuwento pa ng aktor na bago mawala ang kanyang ama ay ibinilin nito na alagaan niya ang kanyang ina. Dito na mas bumuhos pa ang mga luha ni Paolo.
“Bago mawala si papa sinabi niya na, 'You take care of your mom.' During the time na may sakit si papa hindi kami okay ni mama nun e, So kami ni papa nagkikita kami sa labas, nagwa-wine kami, sabi niya, 'Never hate your mom, you take care of your mom.'”
“Eventually sana makita ni mama na [nagbago na ako],” dagdag pa niya.
Matapos ito, humingi naman ng tawad si Paolo sa mga naging pagkukulang niya sa kanyang ina.
Aniya, “Sorry for everything, sorry sa mga kalokohan, mali, sa mga palpak, sorry for hating the fact na minsan sinasamahan mo pa ako sa taping, lahat 'yun na-appreciate ko, lahat, lalo na nung hindi na siya nakakalakad, lahat na-appreciate ko 'yun.”
Aminado rin si Paolo na maraming mga tao ang dapat niyang hingan ng kapatawaran pero dapat niyang unahing patawarin ang kanyang sarili.
“Kung may hihingan ka ng tawad, kanino ka mag-a-apologize at ano ang sasabihin mo sa mga taong hihingan mo ng patawad?” tanong ni Boy kay Paolo.
Sagot naman ni Paolo, “'Yung kanino, marami 'yun. Hindi puwedeng isa lang. I believe most importantly, the one that I have to forgive first is myself.”
Paglilinaw niya, “There are days that I realized how much I hate myself for doing this and that na sana hindi nangyari and during this process na pinapatawad ko ang sarili ko, I believe that's the only time na makakapagbago ako ng maayos. I believe na mas matatanggap ako ng mga taong may kasalanan ako.”
Sa nasabing panayam, kinumpirma rin ni Paolo ang kanyang relasyon sa aktres na si Yen Santos.
Para sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:05 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
BALIKAN ANG NAGING JOURNEY NI PAOLO MULA SA PAGIGING CHILD STAR HANGGANG SA PAGIGING ISANG VERSATILE ACTOR SA GALLERY NA ITO: