Fast Talk With Boy Abunda: Marian Rivera, kinumpirma ang pagbabalik-teleserye ngayong 2023
Masayang kinumpirma ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Lunes, January 23, na magbabalik na siya sa teleserye ngayong taong 2023.
Sa pilot episode ng naturang programa kasama ang batikang TV host na si Boy Abunda, kung saan buena manong sumalang sa “The Talk” interview si Marian, proud na ibinahagi ng aktres ang kanyang exciting na pagbabalik-primetime.
Nang tanungin ni Boy ang mga susunod na plano ni Marian sa kanyang career, ito ang kanyang naging sagot, “Sa work, talagang hinahanap ko na rin talaga kaya abangan niyo po ang pagbabalik ko ngayong 2023, nag-promote? Nag-promote na.”
“So hindi 2024 ito, ngayong 2023?” tanong ulit ni Boy.
“Itong year na ito. Totoo na po ito,” mabilis na sagot ni Marian.
Lingid sa kaalaman ng publiko, humiling si Marian sa GMA Network management na huwag siyang isalang sa lock-in taping para magkaroon pa rin siya ng oras sa pamilya.
“Alam ng management ko 'yan and alam ng GMA, very honest ako sa kanila, na ang priority ko [ay] pamilya... mga anak ko talaga at asawa ko and after that trabaho ang susunod d'yan,” ani Marian.
Dagdag pa niya, “Kasi, ang hirap naman kung nasa trabaho ako pero ang utak ko lumilipad kung ano ang ginagawa ng mga anak ko. So, mas maganda pa rin na i-schedule ko ang trabaho ko at the same time nandoon pa rin ako sa mga anak ko.”
Huling napanood si Marian sa primetime taong 2017 sa fantasy series na Super Ma'am. Matatandaan na nagpahinga siya sa paggawa ng teleserye pagkatapos manganak kay Sixto noong 2019.
Bagamat pansamantalang iniwan ni Marian ang primetime, napapanood pa rin siya bilang host ng anthology drama na Tadhana. Noong 2022, bumida siya sa isang weekly sitcom kasama ang kanyang mister na si Dingdong Dantes, ang Jose and Maria's Bonggang Villa.
Samantala, nagpasalamat naman si Boy kay Marian dahil sa pagtanggap nito sa imbitasyon na maging kauna-unahang celebrity guest ng kanyang comeback TV program sa GMA na Fast Talk with Boy Abunda.
“Maraming maraming salamat, hindi mo lang alam kung gaano kahalaga ang pagkakataong ito, hindi mo lang alam kung gaano ako ka-grateful na ikaw ang nakasama ko sa unang palabas ng Fast Talk with Boy Abunda,” ani Boy kay Marian.
Dagdag pa niya, “This means so much to me hindi ko malilimutan ito for as long as we're here in this world maraming maraming maraming salamat.”
Mapapanood ang Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:05 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SAMANTALA, SILIPIN ANG PICTORIAL PARA SA FAST TALK WITH BOY ABUNDA RITO: