Elle Villanueva at Kristoffer Martin, humingi ng tawad kina Derrick Monasterio at AC Banzon
Kapwa naging emosyonal sina Elle Villanueva at Kristoffer Martin nang magpasalamat at mag-sorry sila sa kanilang mga partner na sina Derrick Monasterio at AC Banzon.
Wala naman itong kinalaman sa pagsi-ship sa dalawa sa kanilang mga karakter sa revenge drama series na Makiling. Ito ay dahil sa pagiging grateful nila sa kanilang mga relasyon ngayon.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, malalim ang naging usapan ng dalawa kasama ang batikang TV host tungkol sa kanilang love life.
Pag-amin ni Elle, dumaan siya sa isang toxic relationship bago niya maging boyfriend si Derrick kaya lubos ang kaniyang pasasalamat sa aktor dahil sa pagiging healthy ng kanilang pagsasama.
Para naman kay Kristoffer, bumabawi pa rin siya ngayon sa kaniyang asawa na si AC at sa kanilang anak dahil sa nagawa niyang kasalanan noon.
Sa kanilang panayam, tinanong ni Boy Abunda si Elle kung paano siya magpapasalamat at hihingi ng tawad kay Derrick, gayundin si Kristoffer sa kaniyang asawa na si AC at sa anak nila na si Pré.
Basahin ang kanilang emosyonal na mensahe ng dalawa sa ibaba:
Sorry, anak
Unang humingi ng tawad si Kristoffer Martin sa kaniyang unica hija na si Pré.. Aniya, “Gusto ko lang humingi ng sorry sa anak ko, 'yung mga panahon na hinanap niya ako, kasi everyday ko din siyang na-mi-miss no'n.”
Sorry, AC
Nag-sorry din si Kristoffer Martin sa kaniyang asawa na si AC Banzon dahil sa naging pagkukulang niya rito. Aniya, “Sa asawa ko, kay AC, 'Love, ikaw 'yung pinakanasaktan. Sa'yo ako may pinakamalaking kasalanan, pero ikaw pa rin 'yung nagpakita sa akin ng totoong pagmamahal, 'yung unconditional love, binigay mo 'yun sa akin, sa amin ni Pré. Hindi mo 'yun pinagkait.'”
Kristoffer Martin to AC Banzon: 'Mamahalin ka nang buo'
Kuwento ni Kristoffer Martin kay Boy Abunda, minahal pa rin siya ng misis na si AC Banzon sa kabila ng kaniyang nagawang kasalanan dito noon. Aniya, “'Yung pagmamahal ni AC, hindi po mapapantayan, 'yung wife ko po. As in never kong masasabi na ma-experience ko ulit 'yung ganung klaseng love, na kahit gaano mo nasaktan 'yung isang tao, mamahalin ka pa rin nang buo. Na everyday akong gumigising, Tito Boy, na hindi niya ipapamukha sa'yo 'yung kasalanan mo. Na everyday, Tito Boy, sasabihin n'ya, 'Mahal kita, ang gwapo mo, pagsisilbihan kita, asawa kita, ikaw lang 'yung gusto kong laging makasama araw-araw.'”
Forever
Para kay Kristoffer Martin, habangbuhay siyang babawi sa kaniyang pamilya dahil sa kasalanan na nagawa niya. “So everyday, Tito Boy, 'yun 'yung parang ano sa akin, na kailangan ko mag-make up doon sa mistake. Everyday, Tito Boy. Forever 'yun, Tito Boy, hinding-hindi mawawala 'yun. Kasi once na tanggalin ko sa utak ko 'yun na parang, 'Okay na! Nakabawi na 'ko.' Hindi, hindi enough 'yun, Tito Boy, habangbuhay kong dadalhin 'yung ginawa ko na 'yon,” ani Kristoffer.
Elle Villanueva on Derrick Monasterio
Nagpapasalamat naman si Elle Villanueva sa kaniyang boyfriend na si Derrick Monasterio sa pagmamahal nito sa kaniya. Aniya, “Thank you kay Derrick, kasi hindi ka napapagod sa akin, kahit ang dami kong utos sa'yo, at ang dami kong reklamo pa minsan, naririnig mo lahat. Pero ni isa, ni isang time lang, hindi ka rin nagreklamo sa akin, puro na lang ako 'yung nagrereklamo, at ikaw na lang 'yung bigay nang bigay. Hindi ko na alam kung saan mo kinukuha 'yung love na binibigay mo sa akin, pero grabe.”
Cathartic
Nagbigay din ng pasasalamat si Boy Abunda kina Elle Villanueva at Kristoffer Martin sa pagiging bukas nito sa kanilang mga emosyon.
“Maraming, maraming salamat sa inyong dalawa. You know, you cannot imagine what we are learning. You know, inflicting pain on people we love. Kasi minsan talaga, kailangan pag-usapan para, ah... maraming mga tao ang nakakarinig na, 'Oo nga naman. Minsan, hindi natin gusto pero...nasasaktan natin 'yung mga taong mahal natin, at 'pag pinatawad tayo, ilagay mo 'yung sarili mo doon sa kanila,'” ani Boy.