Ben&Ben, 'manifesting' ang pagkakaroon ng Grammy Award 'in five years or less'
Nitong Tuesday (February 18) sa Fast Talk with Boy Abunda ay "minanifest" na umano ng Pinoy folk and pop band Ben&Ben na mananalo sila ng Grammy Award “in five years or less.”
Ipinahayag ni King of Talk Boy Abunda ang kahilingan niyang makatanggap na ng Grammy Award ang bandang Ben&Ben. Dito ay binalikan din niya ang naging panayam niya sa P-Pop Girl Group na BINI noong 2019, kung saan nagsabi sila ng kanilang sariling manifestation.
“What I wanna say is sana dumating ang araw na ang bandang ito ay manalo ng Grammy,” sabi ng batikang host.
Inalala rin ni Boy Abunda ang sinabi niya noon kay Jhoanna ng BINI na “say it and it happens” kaya bilang fan ng banda, ay inudyukan na niya ang isa sa mga bokalista ng banda na si Miguel Benjamin Guico na sabihin ito.
“In terms of sound, in terms of talent, in terms of many things, pwede e. Sabihin lang natin para mangyari,” pag-uudyok ng batikang host.
Sabi pa ng ilang mga kabanda nila, “Miguel, say it.”
Kaya naman, bilang manifestation nila, sinabi ni Miguel, “In five years or less, mananalo tayo ng Grammy.”
MULING KILALANIN ANG MIYEMBRO NG NINE-PIECE BAND NA 'BEN&BEN' SA GALLERY NA ITO:
Ang Grammy Award ay isa sa pinakamalaking music awards na ibinibigay ng Recording Academy of the United States bilang pagkilala sa outstanding achievements ng isang artist sa larangan ng musika.
Kuwento ni Boy Abunda, nasasabi niyang gusto niyang manalo ng Grammys ang Ben&Ben dahil sa na-manifest niya noon para sa P-Pop Girl Group na BINI.
“Alam niyo ho ba kung bakit sinasabi ko ito? The last time BINI was on the show, I was surprised, with that interview I did five years ago and I said, 'Five years from now, nasaan kayo?'” pag-alala ng batikang host.
Pagpapatuloy ni Boy, “Sabi ni Jhoanna, 'Sana magkakasama pa kami, at sana'y nagwo-world tour kami.' This year, 2025, nangyari. Kaya sasabihin ko ngayon pa lamang, sana Grammys naman.”
Pagdating naman sa pag-perform internationally, inamin ni Miguel na isa iyon sa kanilang plano at pangarap para sa kanilang banda. Aniya, meron silang dalawang dahilan para makapag-perform internationally.
"There are two things: one is the sound and the music that we make and the message that we have is something that we feel transcends nationalities, but also, we are so proud of where we come from and we want to bring that wherever we go. I think those are two major reasons why," ani Miguel.