Marvin Agustin, Jolina Magdangal, nagbalik-tanaw sa kanilang love team
Para sa O.G. o original romcom royalties na sina Marvin Agustin at Jolina Magdangal, tila aso't pusa nila ituring ang kanilang love team noong '90s dahil sa dami ng beses ng away-bati nila.
“Aso't pusa. 'Yun ang unang naiisip ko,” sabi ni Jolina sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, January 30, nang tanungin sila ni Marvin kung ano ang unang naiisip tuwing binabalikan ang kanilang love team.
Pag-amin ni Jolina, ngayon niya nare-realize kung gaano ka-petty ang mga tampo niya noon kay Marvin. Kwento niya, may mga panahon kasi na bigla na lang siyang hindi kakausapin o papansinin ni Marvin.
Tanong ni King of Talk Boy Abunda, “Kapag ganiyan, inaaway mo na?”
“Oo, kasi parang sabi ko, '''Di ba tayo ang magka-partner dito?' Tapos hindi naman ako laging sinasamahan,” sabi ni Jolina.
BALIKAN ANG ILAN SA MGA KAPUSO LOVE TEAMS NA NAGPAKILIG SA MGA MANONOOD NOONG 2021 SA GALLERY NA ITO:
Nang ibaling naman ni Tito Boy kay Marvin ang tanong, ang pabirong sagot ng aktor, “'Yung pananakit niya sa'kin.
“Hindi, hindi, joke lang po. Mga kakulitan. Like what Jolina said, 'yung parang away namin, aso't pusa,” natatawang sabi ng aktor.
Samantala, masaya naman para kay Jolina kapag nakakagawa sila ng eksena kung saan lumalabas umano ang kanilang emosyon.
“Kahit sobrang sakit nu'ng eksena, halimbawa confrontation, tapos parehong nadala du'n sa eksena, para sa akin, pinakamasaya 'yun para sa love team,” sabi ng aktres.
Binalikan din nina Marvin at Jolina ang pelikula nilang “Hey, Babe,” kung saan magkaaway umano sila habang ginagawa ang pelikula. Ayon pa sa aktres ay natapos umano ang pelikula nang meron silang tampuhan sa isa't isa.
Ngunit nang tanungin ang aktres kung ano ang dahilan ng tampuhan, sagot ni Jolina, “Hindi ko na maalala, Tito Boy. Basta 'pag sinabing game na, kinikilig naman ako kapag uma-acting na siya.”