BB Gandanghari, nag-aaral sa US para maging isang creative producer
Bumalik sa pagiging isang estudyante ang dating aktor na si BB Gandanghari para maging isang creative producer balang-araw.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, January 14, ay ibinahagi ni BB na muli siyang nag-aaral ngayon ng Bachelor of Science in Entertainment Business Management sa Los Angeles Film School.
“I wanna be a creative producer and a creative director,” sabi ni BB kay King of Talk Boy Abunda, at ipinahayag ang kagustuhan niyang makakuha ng trabaho sa likod ng camera.
Dagdag pa ng dating aktor, “Part 'yun ng sinasabi kong mahirap sa transition. Because when I started transitioning, 'yung pontensyal ni Rustom, wala na lahat 'yun.”
TINGNAN ANG MGA CELEBRITIES NA NAUPO RIN SA DIRECTOR'S CHAIR SA GALLERY NA ITO:
Kilala siya noon bilang action star at matinee idol na si Rustom Padilla, bago siya nag-out bilang isang transgender woman, at kapatid ni Senator Robin Padilla.
Ayon kay BB, full-time student siya ngayon kaya naman hindi naiwasan ng batikang host na tanungin kung papaano niya sinusuportahan ang kaniyang pag-aaral.
Sagot ni BB, “There was a time I was a working student, pero umabot sa point na hindi ko na kaya so I stopped, so medyo galing lahat sa savings.”
Dagdag pa niya ay pinili niyang mag-aral muli bago pa maubos ang kaniyang ipon para magamit niya ito bilang karera sa hinaharap.
Sa ngayon ay nasa Pilipinas si BB, na nagdiwang pa ng kaniyang kaarawan noong September sa bansa, para makasama ang ina na si Mommy Eva, at kaniyang pamilya.