BB Gandanghari, mas tanggap na ng kapatid na si Robin Padilla
Pagkalipas ng ilang taon mula nang iwan ang showbiz at makilala bilang BB Gandanghari ay masasabi niyang mas tanggap na siya ngayon ng kapatid na si Robin Padilla.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, January 14 ay kinamusta ni King of Talk Boy Abunda ang relasyon ni Robin noon kay Rustom, at ngayon kay BB. Ayon sa dating aktres, ay malaki ang pagkakaiba ng kanilang relasyon.
“Si Robin at si Rustom, ay brothers so they treat each other as brothers and then ang pinakamalaking pagkakaiba, tinatrato ni Robin si Rustom as kuya. Ngayon ang relasyon ko kay Robin is brother and sister. Ramdam na ramdam ko 'yan,” sabi ni BB.
TINGNAN ANG TRANSFORMATIVE AT COLORFUL LIFE NI BB GANDANGHARI SA GALLERY NA ITO:
Kuwento pa niya, tuwing magkasama sila lumalabas ay tinatrato talaga siya ni Robin bilang isang babae, katulad na lang ng pagpapauna sa kaniya sa pila dahil umano “Ladies first” pati na ang pagpapasuot sa kaniya ng hijab nang magpunta sila sa mosque sa Taiwan.
“Nire-recognize niya lahat ng iyon. He's treating me as a sister now more than a brother. And then also, dahil iba na 'yung personality, tinatrato niya 'ko bilang mas batang kapatid,” pagpapatuloy ni BB.
Pag-amin ni BB ay noong una ay hindi tanggap ng kaniyang kapatid ang kaniyang transition mula sa pagiging isang lalaki para maging transgender woman. Katunayan, meron pa umanong pagkakataon na ayaw siyang makita ng kaniyang nakababatang kapatid.
Ngunit aniya, nagbago ang pakikitungo ni Robin sa kaniya dahil din sa kanilang ina na si Eva.
Kwento ni BB, umuwi siya sa Pilipinas dahil rin sa kanilang ina na si Eva na ayon sa kaniya ay nagde-deteriorate na. Napag-usapan din nila ng kapatid na si Robin na umuwi na lang siya para sa kanilang ina, at sa Pilipinas na magdiwang ng kaniyang kaarawan.
Sa isang video na pinost ni BB sa Instagram, makikitang pilit niyang kinakausap ang mommy Eva niya, ngunit hindi na ito sumasagot. Nang tanungin ni Boy kung ano ang naging reaksyon niya, pag-amin ni BB, "It wasn't even a surprise to me anymore."
"Everytime I would talk to her on the phone, she would ask 'yung caregivers niya, 'Sino siya?' and it would break my heart. I would tell my friends sa Amerika na 'I think it's the most painful na 'yung pag sinabi ng mama mo na, 'Sino ka?' So sabi ko, 'Teka, uuwi ako,'" pagtatapos niya.