Maricel Laxa, Anthony Pangilinan, naisip bang pumasok sa pulitika?
Nalalapit na naman ang eleksyon at hindi maitatanggi na maraming celebrities na ang may hinahawakan puwesto ngayon sa pulitika. Ngunit para sa celebrity couple na sina Maricel Laxa at Anthony Pangilinan, hindi ito para sa kanila.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, October 15, tinanong ng host na si Boy Abunda si Maricel kung naisip ba nilang mag-asawa na tumakbo sa pulitika.
Ang sagot ni Maricel, “No, no.”
Paliwanag ng aktres, “Because we've seen how we can support people behind the scenes and mas effective 'yun sa tingin ko.”
“Nakakatulong ka dahil alam nila na may maganda kang intensyon at wala kang ginagawa para sa interest mo later on,” pagpapatuloy ni Maricel.
BALIKAN ANG CELEBRITIES NA TATAKBO SA NALALAPIT NA MID-TERM ELECTIONS SA GALLERY NA ITO:
Samantala, sa parehong episode, ikinuwento ni Maricel na unti-unti nang nakaka-recover ang asawa niyang si Anthony mula sa isang heart surgery kung saan may tatlong linggo sila na nasa ospital. Ngayon, dalawang linggo nang nakalabas ang kaniyang asawa at nakabalik na ng trabaho.
Ibinahagi rin ni Maricel ang rason kung bakit nila itinago ang pagkakaospital ng kaniyang asawa.
“We just wanted a private time para sa pamilya so that we could heal properly, all of us kasi 'pag dumadaan sa ganitong challenge sa buhay, kailangan ng suport ng bawat isa and so we went through it quietly and it's the most beautiful thing to go through together,” paliwanag ni Maricel.
Dagdag pa ng aktres, “Ako, araw-araw is a day to be thankful for. The good, the bad, and the ugly, everything is a gift, every day is a gift.”