Kristoffer Martin, nagsisisi sa pang-iiwan sa kaniyang mag-ina noon
Naging emosyonal ang Makiling actor na si Kristoffer Martin nang balikan niya ang naging pagkakamali niya noon sa kaniyang mag-ina na sina AC Banzon at Pré.
Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda ngayong Miyerkules, nakapanayam ng batikang TV host si Kristoffer kasama ang bida ng serye na Makiling na si Elle Villanueva.
Dito ay tinanong ni Boy ang dalawa kung ano ang bagay na hindi nila mapapatawad.
Sagot dito ni Kristoffer, “Siguro, Tito Boy, 'yung naiwan ko po 'yung mag-ina ko. May certain na nangyari sa buhay po namin na umalis ako… ilang months din po 'yun, tapos nakita ko 'yun naiwan talaga sila, Tito Boy.”
Ayon sa aktor, labis niyang pinagsisisihan ang nagawang pang-iiwan sa kaniyang mag-ina noon.
Aniya, “Napagkwentuhan na namin siya, kami ni AC nung naging okay na kami kung paano sila, na lagi daw akong hinahanap ni Pré no'ng mga panahon na 'yun, na naghahanap ng tatay, 'yung parang regrets mo, Tito Boy, na sana hindi ko na nagawa, sana hindi na lang.”
Paglalahad ni Kristoffer, naintindihan niya na ngayon kung bakit sila dumaan sa ganoong sitwasyon ng misis na si AC.
“Pero, parang sabi ko nga, Tito Boy, may mga darating sa buhay mo na i-a-allow ni Lord e, kahit gaano man kasakit, kahit 'di mo siya maintindihan. Pero kasi laging may result 'yun ng magandang kalalabasan.
“Kasi, Tito Boy, nung nag-usap kami ni AC na kung hindi nangyari 'yung bagay na 'yun, baka ganun pa rin [kami]. Kasi, Tito Boy, before mangyari 'yung situation na 'yun, lagi kaming away nang away. Engaged na po kami noon, tapos nung nagkakausap na kami, sinasabi niya, kinausap niya ako, na, 'Alam mo kung hindi nangyari 'yun, baka hindi ko rin gustong magpakasal sa 'yo.' Kasi, Tito Boy, lagi po kaming nag-aaway. Engaged na po kami, may anak na po kami no'n,” ani Kristoffer.
Paglalahad pa ni Kristoffer, mas napalapit silang mag-asawa sa Panginoon at mas minamahal pa nila ang isa't isa ngayon matapos ang pinagdaanan nilang pagsubok sa relasyon.
Aniya, “Tapos napalapit po kami kay Lord na parang, 'Ah, ito 'yung ano, ito 'yung parang…Ah, challenge sa amin ni Lord.' Kumbaga mas minahal po namin 'yung isa't isa, lalo na 'yung pamilya namin dahil po sa nangyari.”
Paglilinaw naman ng aktor, walang siyang ibang sinisisi sa kanilang pinagdaanan kung 'di ang kaniyang sarili.
“Tito Boy, hindi ako proud ah, kasi kung iisipin ko, parang… kupal eh, sobrang kupal nung time na mga ginawa ko 'yun, 'yung mga oras na 'yon, na nagpadala ako Tito Boy. Parang ito 'yung gusto ko, wala akong ibang sisisihin kundi sarili ko, kasi ako po 'yun eh, ako 'yung nagdala sa sarili ko sa sitwasyon na 'yun eh.
“Kumbaga, 'yung nangyari na 'yun, hindi ako magdadawit ng ibang tao na parang hilahin, hindi, ako po lahat 'yon. Kumbaga lahat ng fault na 'yon, sa akin po. Nasaktan ko 'yung pamilya ko nang dahil sa akin, umalis ako sa pamilya ko nang dahil sa akin. Walang ibang sisisihin doon sa nangyari sa amin kundi ako lang po,” ani Kristoffer.
RELATED GALLERY: Kristoffer Martin enjoys family vacation in Singapore