Kelvin Miranda, nilinaw kung bakit niya sinagot ang blind item ni Darryl Yap
Natatawang nagbigay ng reaksyon si Kelvin Miranda tungkol sa blind item kamakailan ng direktor na si Darryl Yap nang mapag-usapan ito sa pagbisita niya sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Huwebes, December 14.
Matatandaan na marami ang nag-ugnay kay Kelvin sa naturang blind item na tumutukoy sa isang aktor na na-booking umano ng isang international singer sa halagang isang milyong piso kada gabi.
Sa isang social media post, sinagot naman ni Kelvin ang naturang viral na blind item ni Darryl.
Sa panayam sa kanya ng batikang TV host na si Boy Abunda, ipinaliwanag ni Kelvin kung bakit siya nag-react sa nasabing blind item.
Aniya, “E, kasi, Tito Boy, ang dami na ring nagta-tag sa'kin even my friends, sinesend sa akin sa messenger, sa IG. Parang, kailangan ba lahat ito ang pag-usapan? So, parang gusto ko lang sabihin sa kanila na, 'Hindi. Hindi totoo.'”
Dagdag pa niya, “Kumbaga, bakit ko naman gagawin 'yun? Pinaghirapan ko lahat ng kung anong meron ako tapos sa ganung klaseng bagay…”
Paglilinaw naman ng aktor, hindi niya hinuhusgahan ang mga taong gumagawa ng ganitong bagay, pero hindi rin umano siya komportable na mahusgahan sa bagay na hindi niya ginagawa.
“Hindi ko naman diyina-judge or hinuhusgahan kahit na sinong tao. May mga tao kasing ginagawa nila 'yun for some reason. Pero ako kasi, hindi ako sanay na hinuhusgahan ako at hindi ko ginagawa 'yung gano'ng klaseng bagay. Mas gusto kong ginagastos ko 'yung pera na kinikita ko,” ani Kelvin.
Natuwa naman si Boy sa pagiging tapat ni Kelvin. “That was admirable. Dahil hindi pinalulutang na hindi klaro nanghuhula ang tao. When in fact, it's answerable by 'Hindi po,'” anang batikang TV host.
Matatandaan na mismong ang direktor na si Darryl ang nagsabing hindi si Kelvin ang kanyang tinutukoy sa blind item.
RELATED GALLERY: Meet 'Sang'gre' heartthrob Kelvin Miranda
Samantala, puspusan na rin ang paghahanda ngayon ni Kelvin para sa upcoming Encantadia Chronicles:Sang'gre.
Gaganap si Kelvin dito bilang ang kauna-unahang lalaking Sang'gre na si Adamus - ang tagapagmana ng brilyante ng tubig.