Buboy Villar at Jelai Andres, mag-on na nga ba?
Inamin na nina Buboy Villar at Jelai Andres ang tunay na namamagitan sa kanilang dalawa.
Sa Fast Talk with Boy Abunda, game na sinagot nina Buboy at Jelai ang tanong ng batikang TV host na si Boy Abunda tungkol sa kanilang relasyon.
“Kayo na nga ba ni Jelai Andres?” ani Boy sa dalawa.
“Hindi po Tito Boy,” sagot ni Buboy.
Muling tanong ni Boy, “Wala bang pagkakataon na sumasagi sa'yong isipan kapag tinititigan mo si Jelai na, bakit hindi?”
Tugon naman ni Buboy, “Actually, Tito Boy maraming beses na po 'yan. Tinatanong ko rin po 'yung sarili ko na, 'Bakit nga ba na mabilis akong ma-fall pero bakit hindi ako na-fall sa'yo [Jelai Andres]? 'Yun po 'yung questionable din sa akin. Pero alam ko pong special si Jelai.”
“Baka naman pinipigilan mong ma-fall?” usisa ni Boy.
“'Yun po ba 'yun?” natatawang sagot ng actor-host.
Paliwanag pa ni Buboy, “Focus din po kasi ako sa goal ko rin siyempre Tito Boy, may dalawa akong anak at sila 'yung parang main core ko.”
“Hindi ba ako ka-fall-fall Buboy?” hirit naman ni Jelai.
“Hindi naman sa ganda mong 'yan?” pagtanggi naman ni Buboy.
Ayon naman kay Jelai, natutuwa siya sa klase ng pagkakaibigan na meron sila ni Buboy.
Aniya, “Na-a-appreciate ko 'yun Tito Boy kasi mas nararamdaman ko na pure 'yung friendship. Nasusuklian 'yung pure na friendship na nabibigay ko.”
RELATED GALLERY: LOOK: The sweetest photos of Buboy Villar and Jelai Andres
Kuwento pa niya, “Sobrang komportable po ako, halimbawa ayusin niya 'yung buhok ko, alam mong walang malisya, alam mong nagke-care siya.”
Paglalahad pa ni Buboy, ang kanyang ex-wife na si Angillyn Gorens ang naging daan para maging magkaibigan sila ni Jelai.
“Magkaibigan talaga sila, kasi iniidolo niya nga itong si Jelai. Siya po 'yung naging tulay din namin para maging magkaibigan kami,” ani Buboy.
Unang nagkasama sina Buboy at Jelai sa Kapuso series na One of the Baes noong 2019 at naging magkatrabaho rin noong 2021 sa seryeng Owe My Love.
Bukod dito, naging madalas din ang collaboration nila Buboy at Jelai sa pagba-vlog.
Napapanood naman ngayon si Buboy bilang isa sa hosts ng noontime show na Eat Bulaga at regular host ng longest-running comedy gag show sa bansa na BBLGANG.
Aktibo rin naman ang content creator na si Jelai sa kanyang social media vlogs.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.