Jean Garcia, mas enjoy maging kontrabida: 'Puwede mo siyang paglaruan'
Grateful ang batikang aktres na si Jean Garcia sa GMA Network dahil sa pagbibigay sa kanya ng iba't ibang bida-kontrabida roles.
Sa pagsalang ni Jean sa Fast Talk with Boy Abunda, isa sa kanilang pinag-usapan ni Boy ay ang kanyang pagiging mahusay na aktres mapa-bida man o kontrabida.
Paglalahad ni Jean nagpapasalamat siya sa Kapuso network dahil sa mga magagandang materyal at karakter na ibinibigay sa kanya.
Aniya, “Usually nakakahon ka e, kung bida, bida ka, kung kontrabida, kontrabida. Pero ito napaglalaruan nila I don't know why. Pero I am very grateful kasi ang GMA hindi ako pinababayaan pagdating sa mga role, kumbaga nag-eeksperimento sila, 'Hindi kaya niyang gawin 'to, kaya niyang gawin ito,' So ako naman, as an artist, sa tagal ko, tatlong dekada na rin ako Kuya Boy, dito sa industriya natin po e.”
Sikreto umano ni Jean upang magampanan ng maayos ang kanyang karakter ay binibigyan niya ito ng panahon upang aralin.
Pagbabahagi niya, “So sa akin lang siguro 'yung passion ko sa acting, 'yung passion ko sa trabaho ko, hindi nawawala kaya kung baga kung ano 'yung role na binibigay nila sa akin, pinag-aaralan ko 'yun. I don't take it for granted.”
Dagdag pa niya, “Pinag-aaralan ko talaga at saka gusto ko may bago. 'Di ba ang dami ko nang ginawang kontrabida maski doon sa kabilang network.”
Paglalahad pa ng batikang aktres, “Iniiba-iba ko siya, iba 'yung look, iba 'yung outfit, 'yung acting. Ang kontrabida ang pinakamasarap gawin kasi exciting siya, puwede mo siyang paglaruan.”
Bukod dito, ibinahagi rin ni Jean ang kanyang technique sa mga eksenang sampalan.
Aniya, “Ang respeto ko sa kapwa ko artista, unang-una dapat wala kang accessories, kailangan tatanggalin mo kasi ayaw mo ng aksidenteng masasaktan mo sila. Pangalawa, dapat sukat mo…para kung saan man manggaling ang kamay mo, sukat mo 'yan.”
Samantala, muli nang mapapanood si Jean sa Kapuso limited series na Maging Sino Ka Man na pinagbibidahan ng tambalang BarDa nina Barbie Forteza at David Licauco.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.