Jose Mari Chan, nag-react sa kanyang memes tuwing sasapit ang 'Ber' months
Masayang bumisita sa Fast Talk with Boy Abunda ang tinaguriang King of Pinoy Christmas Music na si Jose Mari Chan ngayong unang araw ng “Ber” months, September 1.
Hindi maikakaila na parte na ng selebrasyon ng Paskong Pinoy ang maraming Christmas songs ni Jose. Kaya bago pa man sumapit ang Setyembre ay marami na ang nag-aabang upang patugtugin ang kanyang mga awitin.
Bukod pa rito, nakagawian na rin ng mga Pilipino ang paggawa ng memes tungkol sa kanya sa social media. Pero ano nga kaya ang masasabi ni Jose sa kanyang mga naglalabasang social media memes?
Kuwento ni Jose sa batikang TV host na si Boy Abunda, noong una ay hindi niya alam kung paano magre-react dito, at naisip niyang hanapin pa kung sino ang gumawa nito.
Aniya, “I was so confused as to how to react to that and I never knew who it was that created those memes. I've tried to find out but was unsuccessful. So until now I still don't know who made those memes.
Ayon kay Jose, natutuwa naman siya sa mga memes na inilalabas ng mga tao tungkol sa kanya sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan, maliban sa isang meme.
“Natutuwa ako, except that there was one that was quite irreverent. It was irreverent because it showed Saint Joseph and Mother Mary riding a donkey and she was pregnant of course and then it says, 'Jose Mary Tiyan,'” ani Jose.
Dagdag pa ng batikang singer-songwriter, hindi niya gustong ituring na King of Pinoy Christmas dahil, “There's only one king of Christmas and that's our Lord Jesus Christ, the baby Jesus.”
Pero bukod sa memes, may isa pa raw bansag ang mga tao kay Jose. Ito ay, “Some people call me 'Chanta Claus.'”
Samantala, sa pagbisita ni Jose sa Fast Talk with Boy Abunda ay inawit niya rin ang kanyang classic Christmas song na “Christmas In Our Hearts” kasama ang Kapuso singer na si Zephanie.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.