boy abunda
TV

Boy Abunda, ikinuwento kung paano siya pinatawad ni Mike Enriquez bago magbalik sa GMA

By Jimboy Napoles
Emosyonal na ibinahagi ni Boy Abunda ang ilan sa mga naging huling pag-uusap nila ng yumaong kaibigan na si Mike Enriquez.

Isang espesyal na episode ng Fast Talk with Boy Abunda ang napanood ngayong Miyerkules, August 30, tampok ang mga ala-ala ng pumanaw na batikang brodkaster na si Mike Enriquez.

Sa nasabing episode, madamdaming ikinuwento ng host ng programa na si Boy Abunda ang huling pag-uusap nila ni Mike noon bago siya magbalik sa GMA Network.

Ayon kay Boy, magkasama sila noon ni Mike sa GMA at hindi lang bilang magkatrabaho kundi bilang magkaibigan.

Kuwento ni Boy, “Nagkasama po kami ni Mike noong early '90s dito sa GMA-7. Kami'y magkaibigan at nanatiling magkaibigan nang maraming maraming taon.”

Paglalahad pa ng batikang TV host, tinawagan niya si Mike noon bago siya bumalik sa GMA nito lamang Enero 2023.

Aniya, “Naalala ko po noong ako'y babalik na dito sa GMA-7, I remember calling Mike and I said, 'I have to tell you that I'm coming back to GMA-7, and what a shame it would be if I don't let you know.'

“Sabi po sa akin ni Mike, 'I would not have forgiven you, had you not called me.'”

Pagbabahagi pa ni Boy, hindi rin tumanggi si Mike nang alukin niya ito noon na maging guest sa Fast Talk with Boy Abunda.

“Sabi ko, 'Mike, sana kapag nagsimula na ang Fast Talk, makabisita ka sa amin.'

“It was a dream to interview Mike Enriquez. Alam ko hindi natuloy, but he said, 'Yes,'” ani Boy.

Dagdag pa ni Boy, “He said, 'Yes,' he would come to the show. Pero alam ko po na hindi na matutuloy but he will always be in my heart and he will always be my Mike.”

Bukod dito, inalala rin ni Boy si Mike bilang isang mabuting tao at kaibigan.

“He was a lovely man. He was a wonderful wonderful friend,” paglalarawan ni Boy kay Mike.

“Salamat at paalam, Mike Enriquez,” huling sinabi ni Boy.

Taong 1969 nagsimulang magtrabaho sa industriya ng brodkasting si Mike, at naging bahagi siya ng GMA Network taong 1995. Siya ay naging news anchor ng flagship primetime news program ng GMA na 24 Oras at naging host ng long-running public affairs program na Imbestigador.

Si Mike ay nagsilbi rin bilang Presidente ng RGMA Network, Inc. at GMA Network's Senior Vice President and Consultant for Radio Operations. Matagal din na naging news anchor si Mike ng programa ng DZBB na Super Balita sa Umaga at Saksi sa Dobol B.

NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.