Pekto at John Feir, sinagot kung sinong artista na kanilang nakatrabaho ang may attitude
Ibinahagi nina Mike "Pekto" Nacua at John Feir sa Fast Talk with Boy Abunda ang kanilang mga karanasan sa industriya bilang bahagi ng produksyon at bilang mga artista.
Kuwento ni John, taong 1991 pa siya nagsimulang magtrabaho sa GMA at tingin niya ay nakabisado na niya ang attitude ng mga tao rito.
Aniya, “Ako Tito Boy, nag-start ako sa GMA 1991. Hanggang ngayon nandidito pa rin. Siguro sa tagal kong 'yon nakita ko 'yung lahat ng ugali ng tao rito.”
Para kay John, “pakikisama” ang isa sa kailangang pairalin upang magtagal sa industriya.
“'Yung pakikisama talaga ang pinakamahalaga sa lahat para tumagal ka sa industriya,” ani John.
Dugtong naman dito ni Pekto, “At saka respeto.”
Patuloy ni Pekto, “Kasi 'yun ang pinaka the best sa lahat na may bago kang makakasamang artista, baguhan man o datihan, kailangan mong humingi ng respeto doon or lapitan mo magpakilala ka. 'Ako po si ganito, para acknowledge ka na na, 'A, mabait na tao ito.'”
Tanong naman ni Boy sa dalawang komedyante, “Sa mga baguhan ngayon, wala naman kayong karanasan na binastos o hindi nirespeto?”
“A, hindi ko lang alam. Pero so far wala naman akong na-experience,” natatawang sinabi ni John.
Biro naman ni John kay Pekto, “Ewan ko lang dito baka tinitira ako nito.”
Pagbabahagi naman ni Pekto, “Meron akong na-encounter dati pero hindi naman ganun kasama, Tito Boy. Pero okay naman siguro meron lang siyang pinagdaraanan noong mga araw na 'yun.”
Dagdag pa niya, “Marami po ako nakasamang artista. Pero lahat naman sila ay mabait, pero meron isang hindi. Pero, siya na magdadala nun. Bahala na siya.”
Sa huling bahagi ng episode ng Fast Talk with Boy Abunda, gumawa pa ng skit sina Pekto at John bilang sina Cookie and Belli na ikinatuwa rin ni Boy.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.