Sef Cadayona
Source: sefcadayona (Instagram)
TV

Sef Cadayona, piniling umalis sa 'Bubble Gang;' naisip na iwan na ang showbiz

By Jimboy Napoles
Aminado si Sef Cadayona na siya mismo ang nagpasya na umalis sa 'Bubble Gang' habang nag-iisip na iwan na ang pagiging artista.

Emosyonal na inamin ng comedian-actor na si Sef Cadayona sa Fast Talk with Boy Abunda na pinili niyang umalis na bilang cast member sa Kapuso comedy gag show na Bubble Gang kasabay ng pag-iisip niyang iwan na ang show business.

Bagamat kilala sa pagpapatawa, hindi rin napigilan ni Sef ang damdamin habang ikinukuwento sa batikang TV host na si Boy Abunda ang dahilan ng pagbibitiw niya sa nasabing comedy program.

Kuwento niya, “Tito Boy, actually hindi naman ako nawala, nandito pa rin ako, kung kailangan n'yo po ako nandito pa rin ako. But for me, I think it was my time to graduate and to look into different side ng buhay ko.”

Ayon pa kay Sef, nitong mga nakaraang buwan ay naiisip na rin niyang bumitiw na sa pagiging artista.

Aniya, “Going back months before actually ayoko nang mag-showbiz. I don't know. Kung sa damdamin lang, parang hindi ko nakikita na nagsa-shine ulit 'yung talent ko.”

“Ayaw mo na dahil hindi ka nabibigyan ng karapat-dapat na mga papel?” tanong naman ni Boy kay Sef.

Sagot ng aktor, “No. Hindi po chances.”

Paglilinaw na tanong ni Boy, “Ayaw mo because you're not happy anymore? That you could be more effective somewhere?”

“In a sense, yes, na hindi showbiz,” tugon naman ni Sef.

Dagdag pa niya, “Hindi rin po sa hindi stable sa showbiz, more on sa akin po iniisip ko, 'Okay pa ba ako? Okay pa ba ako dito? Nagagampanan ko pa ba 'yung role ko?'”

Paglalahad naman ni Sef, matapos niyang makausap ang kaniyang mga boss sa GMA ay napagpasiyah niyang manatili sa showbiz dahil aniya, “Nakita ko po 'yung pagmamahal nila.”

Matatandaan na matagal ding naging bahagi ng Bubble Gang si Sef kung saan hindi na mabilang ang kaniyang mga karakter na ginampanan.

Bukod dito, bumida rin si Sef kamakailan bilang younger version ni Pepito Manaloto na karakter ng comedy genius na si Michael V. sa Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento.

Sa ngayon, aabangan naman si Sef sa bagong Kapuso series na Love Before Sunrise na pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Bea Alonzo.

Patuloy na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.

MAS KILALANIN PA SI SEF CADAYONA SA GALLERY NA ITO:

NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.