Paolo Contis, inaming nakatutulong ang trabaho upang maayos ang kaniyang buhay
Grateful ang actor-comedian at ngayon ay TV host na si Paolo Contis sa sunod-sunod na proyektong kaniyang natatanggap sa kabila ng mga personal na isyung kaniyang kinakaharap.
Sa muling pagbisita ni Paolo sa Fast Talk with Boy Abunda, kinumusta ni Boy ang lagay ngayon ng aktor kaugnay ng pagiging abala nito sa kaniyang trabaho.
Ayon naman kay Paolo, malaking tulong ang mga trabahong ito upang tuloy-tuloy niyang maayos ang kaniyang buhay.
Aniya, “Marami akong kailangan ayusin sa buhay ko and this is the big leap ika nga sa pag-aayos ng buhay ko that I am busy.”
Nagpapasalamat naman si Paolo sa walang sawang pagsuporta at pagtitiwala na ibinibigay sa kaniya ng GMA.
“Malaking bagay para sa akin na nagtitiwala pa sa akin ang GMA, ang Sparkle, ang TAPE. I'm very thankful na hindi nila tiningnan 'yung personal kong mali pero they value 'yung work ethics ko, kung ano 'yung nadadala ko sa table kapag ako 'yung nagtatrabaho,” ani Paolo.
Dagdag pa niya, “Malaking bagay na dire-diretso itong trabaho because it's really part of the 'fixing' of my life.”
Sumang-ayon naman si Boy sa sinabi ni Paolo at sinabing, “What I'm hearing from you is that… This is my chance to be better.”
Aminado naman si Paolo na marami siyang maling nagawa kung kaya't sinisikap niyang pagbutihan ang trabaho at makabawi sa mga kamaliang ito.
“It is because I know I don't deserve it, I have to be honest. On a professional level I know I do pero personally, alam kong marami akong mali. Alam ko sa sarili ko na maraming bagay ang hindi ko deserve but I'm here so grabe 'yung pagmamahal ko at pagbibigay ko ng importansiya sa trabahong nakukuha ko,” anang aktor.
Sa ngayon abala si Paolo bilang isa sa mga bagong hosts ng Eat Bulaga. Busy din si Paolo bilang regular cast ng Bubble Gang, at sa kaniyang upcoming movies.
BALIKAN ANG NAGING CAREER MILESTONES NI PAOLO CONTIS SA GALLERY NA ITO: