Alma Moreno, inaming nakahon noong '80s sa pagiging sexy star
Inamin ni Alma Moreno sa Fast Talk with Boy Abunda na ikinahon siya noon sa pagiging sexy star at hindi binigyan ng ibang proyekto sa labas ng genre ng sexy films.
Sa panayam ng TV host na si Boy Abunda kay Alma, naging totoo ang batikang aktres sa kaniyang saloobin bilang itinuturing na Sex Goddess of Philippine Movies noong dekada '80.
Ayon kay Alma, proud siya sa naging titulo niya noon dahil marami ring aktres ang naghahangad na ituring na isa sa pinaka-sexy sa industriya.
Malayo rin naman daw ang kaniyang karakter bilang sexy star sa kaniyang totoong buhay.
Kuwento niya, “Sa screen ako nagpapasexy at nagbo-bold at may limit. Pero kapag nasa labas ako, makikita mo si Alma Moreno, naka-maong, naka-rubber shoes, hindi 'yung sexy ko na kita 'yung cleavage, hindi, hindi ako ganun."
Ngunit aminado rin siya na nalimitahan noon ang kaniyang kakayahan bilang artista dahil sa pagiging sexy star.
Aniya, “Isa sa pinakamasakit Kuya Boy din, 'yun bang tingin nila dahil sexy star ka o bold star ka, hanggang doon ka na lang, nakakahon ka na lang doon.
“Kung hindi ka mag-se-sexy, diyan ka lang, ganoon ang tingin nila, 'yun ang pinaka-masakit, sana bago nila i-judge 'yun, tingnan mo na nila.”
Masaya naman si Alma na napatunayan niya rin sa lahat na hindi lamang siya pang-sexy films, patunay na rito ang pagtagal niya sa industriya matapos ang ilang dekada mula nang kaniyang sobrang kasikatan.
“Sa awa naman ng Diyos, Kuya Boy, napatunayan ko naman [ang sarili ko] hanggang ngayon nandito pa rin ako [sa industriya],” ani Alma.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
KILALANIN NAMAN ANG ILANG SEXY STAR NOONG DEKADA NOBENTA SA GALLERY NA ITO: