Viral Filipino-Lithuanian couple na 'Vikagene,' sumalang sa 'Pinoy Henyo' ng 'Eat Bulaga'
Sumalang sa "Pinoy Henyo" segment ng Eat Bulaga ang viral Filipino-Lithuanian couple na sina Eugene Galang at Viktorija Radaviciute, o mas kilala bilang "Vikagene" ng kanilang followers.
Kasalukuyang mayroong mahigit 1.42 million subscribers ang "Vikachka & Eugene" YouTube account nina Eugene at Vika, at 443,000 followers naman sa Facebook.
Noong Lunes, January 16, kabilang sina Eugene at Vika sa tatlong team na naglaro sa "Pinoy Henyo," kung saan nakalaban nila ang Filipino-Dutch couple na sina Diane Kraak at Robin Kraak, at Filipino-German couple na sina Rei Derrota at Elisa Anders.
Huling sumalang sa hulaan ng mga salita ang Team Vikagene. Pero bago ang hulaan, sinagot ni Eugene ang tanong ng Dabarkads kung paano nga ba sila nagkakilala ni Vika.
Ayon kay Eugene, nakilala niya si Vika sa Facebook at nagsimula silang mag-vlog noong opisyal na silang naging magkasintahan.
Kuwento niya, "Ako dati kasi gusto ko talaga... dahil hindi pinalad sa Filipina, sabi ko baka sa foreigner. Minessage ko kaagad siya. Nag-hi agad ako sa kanya, kaya lang hindi siya active nu'n kaya sa Instagram... doon s'ya nag-reply."
Sinagot din ni Vika ang tanong ng Dabarkads kung bakit siya na-in love kay Eugene. Aniya, "Kasi laging nandyan, laging mabait."
Masaya ring ibinahagi nina Eugene at Vika ang nalalapit nilang kasal ngayong taon.
Matapos ang kuwentuhan, sinimulan na ng Team Vikagene ang hulaan, kung saan si Vika ang natoka na hulaan ang salitang "Sakong."
Sa loob ng mahigit 20 segundo, nalaman ni Vika na parte ng katawan ang salitang kailangan niyang hulaan. Hanggang sa mabanggit niya ang salitang "heel."
Pilit na hinulaan ni Vika ang Tagalog word ng "heel" at sa huli bigo itong mahulaan ang salitang "Sakong."
KILALANIN ANG ILANG CELEBRITIES NA NAGMAHAL NG FOREIGNERS DITO: