TikTok content creator na si Rosmar Tan, kumikita ng milyon sa TikTok live selling ng kanyang beauty products
Game na game na ibinahagi ng TikTok content creator at beauty brand owner na si Rosmar Tan ang tagumpay ng kanyang negosyong make-up line sa longest running noontime show na Eat Bulaga nang maging guest siya sa segment na "Bawal Judgmental" nitong Lunes, September 26.
Nagsimulang makilala si Rosmar sa social media partikular na sa TikTok, dahil sa kanyang mga dance videos. Aniya, "Ang content ko lang po before is nagsasayaw-sayaw lang po ako and nung pandemic lang po ako nag-simulang mag-TikTok tapos po pinagtatawanan talaga nila ako kasi ang pangit ko raw sumayaw."
Dahil sa kanyang lumalagong social media following, naimbitahan na rin si Rosmar ng ibang beauty brands na i-promote ang kanilang mga produkto at nang tumagal, naisipan na rin niya na gumawa na lamang ng kanyang sariling brand.
Kuwento niya, "Before po, lagi lang po akong nag-e-endorse ng iba't ibang brands, TikToker po kasi ako, lagi po akong hina-hire, so naisip ko what if gumawa na lang ako ng sarili kong brand para ako 'yung kumita."
Pebrero lamang ngayong taon nang simulan ni Rosmar ang kanyang make-up line pero agad itong pumatok at lumago sa loob lamang ng ilang buwan dahil na rin sa dami ng kanyang followers sa TikTok na umabot na sa mahigit labing isang milyon. Sa katunayan, kumikita siya ng nasa mahigit P5 million sa pamamagitan lamang ng pagla-live selling sa nasabing app.
"Noong last time po na nag-live po ako, 4 hours, kumita po ako ng 8 million pesos," aniya.
Pero paglilinaw ni Rosmar, ang kinikita niya sa live selling ay napupunta rin sa kanyang resellers at distributors. "Bale ina-affiliate ko 'yung mga resellers and distributors ko, 'yung kitang 'yun hindi siya napupunta sa akin bale nagpapakapagod ako mag-live para sa mga distributors ko," pagbabahagi niya.
Sa ngayon, mayroon na ring distributors si Rosmar sa Luzon, Visayas, Mindanao, at maging sa ibang bansa gaya ng Canada, California at Hawaii.
Sa nasabing episode ng "Bawal Judgmental" sa Eat Bulaga ay naging guest din ang dating Artikulo 247 actress na si Kris Bernal at ang sexy actress na si Ara Mina.
Panoorin ang masayang episode ito ng noontime show, sa video na ito:
KILALANIN NAMAN ANG ILANG PINAY CELEBRITIES AT ANG KANILANG SUCCESSFUL BUSINESSES SA GALLERY NA ITO: