Buboy Villar, nilinaw ang 'scripted' issue sa studio contestant ng 'Eat Bulaga'
Inamin ni Buboy Villar na totoong kakilala niya ang naging viral studio contestant sa Eat Bulaga pero nilinaw niyang hindi niya alam na magpupunta ito bilang studio audience o makakasali ito sa segment ng noontime show.
Matatandaan na naging mainit sa mga mata ng mga manonood ang pagsisimula ng Eat Bulaga kasama ang mga bagong hosts nito kabilang si Buboy. Kasabay nito, napuna ng ilang netizen ang isang studio contestant na napili sa segment na “Ikaw Ang Pinaka” sa June 7 episode ng programa kung saan mabilis nila itong namukhaan at kinumpirmang kaibigan ito ni Buboy na lumabas na noon sa ilang vlogs ng actor-host.
Dahil sa insidenteng ito, tinawag ng ilan na scripted ang mga sumasali sa segments ng noontime show. Sa isang interview, hiningan ng GMANetwork.com ng opinyon si Buboy tungkol dito.
Sagot dito ni Buboy, “Well, talagang nasa script po 'yung laro namin kasi siyempre mahirap naman po ata 'to hindi naman po ito birthday lang na parang magsabi kami ng, 'Bring me,' 'yun na po agad 'yung laro namin. So aral po 'yung mga laro namin dito pero pagdating na po sa mga contestant ay hindi na po namin alam 'yun.”
Dito na inamin ni Buboy na kaibigan niya ang naturang studio contestant na sumusuporta sa kaniya noon pa man.
Aniya, “Naawa rin po ako sa part ng contestant kasi fan ko po 'yun, fan ko po 'yun na sobrang sumuporta sa akin dahil sa kabila ng mga taong nagsasabi ng masasakit na salita sa akin although okay lang naman po sa akin yun, tumatanggap naman po ako kasi opinyon 'yun, e, sumuporta itong kaibigan ko na 'yun at sobrang saya ko dahil nandoon siya no, nakita ko siya, at napili siya ng mga co-hosts ko rin so the show must go on, pinaglaro siya. Lahat naman po puwedeng manalo e, sabi nga po namin sharing is caring and caring is winning.
Pero paglilinaw ni Buboy, hindi niya alam na noong araw na iyon ay sasali ito bilang isang studio audience at mapipili pa bilang contestant sa kanilang isang segment.
“Hindi ko alam na manonood siya ng Eat Bulaga. Hindi ko talaga expected kasi ang una kong gustong nandon sa stage ay 'yung nanay ko, siya 'yung in-invite ko, gusto ko saksi 'yung nanay ko doon kasi unang-una po sa lahat, Eat Bulaga po ito part po ito ng history, tapos tutungtong po kami sa stage ng Eat Bulaga,” anang comedian-actor.
Aminado rin si Buboy na nakaramdam siya ng kaba sa pagtungtong niya sa stage ng Eat Bulaga bilang isa sa mga bagong host nito pero nanatili siyang matatag sa tulong kaniyang co-hosts.
“Sabihin n'yo po sa akin, kahit po sa mga manonood kung gaano po nakakakaba 'yun na 'yung tipong kulang na lang lamunin ka na lang ng stage pero hindi, sa mga kasama ko hindi ko sila nakitaan ng ganun kaya ano ako, sino ako para matakot, andiyan sila e, willing sila na magpasaya at willing sila na matuto so bakit hindi rin ako,” ani Buboy.
Ayon naman sa co-host ni Buboy sa Eat Bulaga na si Paolo Contis, ang naging kamalian lamang sa naging isyu ng una ay hindi nito sinabi sa telebisyon na kaibigan nga niya ang viral studio contestant.
“It was a very honest mistake, una sa lahat, the only mistake I guess was that Buboy did not mention it on air na kilala niya 'yung tao. Pero 'yung taong 'yun hindi niya kasama sa likod, pumila 'yun ng alas-sais ng umaga tapos pinili siya ni Mavy [Legaspi] 'di ba? Pero ang tao naman kasi hahanap at hahanap ng paraan para sabihing…lalo ngayon na para kang nasa microscope 'di ba lahat ng kaunting mali mo e, pupunahin,” ani Paolo.
Samantala, ibinahagi rin nina Buboy at Paolo na marami pang inihahandang sorpresa ang Eat Bulaga para sa mga manonood ng programa.
SILIPIN NAMAN ANG BAGONG YUGTO NG EAT BULAGA SA GALLERY NA ITO: